Noong Pebrero 27, bago magtanghaling tapat, ay nangyari ang aksidente sa tinatapos na gusali ng Eaton Residences Greenbelt na nasa Paseo Gallardo, Lungsod ng Makati. Sampung trabahador ang nasawi at isa pa ang naging malubha dahil dito.
Ang nasabing mga trabahador ay mga tauhan ng sub-contractor para sa pagkakabit ng mga salamin (glass panel) sa gilid ng nasabing gusali. Ang gondola ang siyang ginagamit ng mga nasabing tauhan para sa kanilang gawain.
Ang sanhi ng sakuna ay ang pagbagsak ng sinasakyang gondola ng mga sinamang palad, na kung saan ay pababa upang marahil ay managhalian. Nangaling daw sa ika-34 na palapag na tatlo ang sakay, at pagdating sa ika-28 palapag walo pa ang umangkas. Nang magpatuloy na umandar pababa ang gondola, laman ang labing isang tao, dito nangyari ang pagbagsak.
Ayon sa mga impormasyong nakuha sa mga awtoridad, nalagot ang mga sumusuportang kable o tension cable na siyang nagpapatibay sa dalawang nakausling bahagi ng pansamantalang andamyo na kung saan ay yumuyungyong sa tabi nang nasabing gusali. Sa dulo ng mga nakausling bakal na ito naka-kabit ang mekanismo na siyang dinadaanan naman ng dalawang kable na nakakabit sa magkabilang dulo ng gondola at siyang nagpapataas o nagpapababa nito.
Ang sakuna ay nagyari dahil sa overload na siyang sanhi ng pagkakalagot ng dalawang 8.6 mm na diametrong kable na sumusuporta sa andamyong nagdadala ng gondola. Nakamarka daw na ang kayang dalhin ay 630 kg at kung kukuwentahin ay mga 9 na tao ang katumbas. Overload nga, ngunit totoo bang ang nakasaad sa nameplate ay dalawang tao lang ang kapasidad? Kung gayun nga, alin ang tamang pasahero, 2 o 9? Totoo bang hindi makapagpakita ng safety program ang contractor, nang hanapan ng mga awtoridad, sa kabila ng pagiging hazardous workplace ng konstruksiyon ayon sa Labor Code?
Sinikap na suriin at pagaralan ng tagasulat na ito ang mag datos upang magkaroon ng mas maliwanag na pagkakaintindi sa mga pangyayari, at ayon sa pag-aaral ay ito ang mga naging palagay:
a)Base sa pagkakasukat sa nalagot na mga kable na 8.6 mm ang diametro, ang palagay ko ay ang tunay na diametro ay 9.0mm. Mangyari, ang mga sukat ng mga kable base sa aking pagsasaliksik ay may tolerance na -0 at +0.6. Ibig sabihin ay ang bagong 8.0mm ay may diametro na buhat 8.0 hangang 8.6mm, at ang bagong 9.0mm ay may diametrong 9.0 hangang 9.6mm. Dahil sa ang kable ay gamit na at malamang nabanat pa ng husto bago malagot, lumiliit ito at malamang na hindi niya maaabot ang pinakamalaking sukat na 8.6mm kung ito ay 8mm. Samakatuwid, mas malamang na ang nakuhang sukatna 8.6mm ng nalagot na kable ay sukat ng 9.0mm na nabanat na.
b) Kung ang pagbabasehan ng pagsusuri ay ang 9.0mm na kable, ang minimum breaking load (mbl) ay buhat 39.5 – 54.3 kiloNewton (kN) o mga 4,037 – 5,550 Kilogram (Kg.). Sa paggamit ng kable, may kinukonsiderang tinatawag na design factor, na kung saan, sa pamamagitan nito ay matatanto ang bigat na kayang dalahin nito na masasabing walang peligro na malalagot (sa ingles, safe working load o swl). Ayon sa Roebling Hd Bk, ang minimum design factor na gagamitin para sa hoisting o pag-aangat ay 5, at ito ay ginagamit na divisor ng mbl upang makuha ang safe working load o swl. Samakatuwid, base dito, ang swl ng 9.0mm na kable ay 807- 1,110 Kg. At dahil sa dalawa ang kable na nagdadala ng gondola, ang swl, sa aking palagay, ay 1,614 Kg para sa mababang klase at 2,220 kg naman para sa mataas na klaseng kable. Base sa mga nakuhang datos sa gondola, malamang na ang kableng ginamit ay ang mababang klase, kung kayat sa aking palagay, ang swl ng gondola, kung bago ang mga kable, ay 1,614 kg. Sama-sama dito ang bigat ng gondola mismo, ang mga materials na nakakarga dito, ang mga manggagawang sasakay dito, at ang tinatawag na dynamic load na kung saan ay nakabase sa bilis ng pagandar at pagtigil, at pati na din sa pag-giwang dahil sa pag-galaw ng mga nakasakay o dahil sa bugso ng hangin.
c) May mga bagay-bagay na kaakibat ng nasabing sakuna na dapat pang maliwanagan. Kasama na dito ang tunay kundisyon ng andamyo at mga elemento ng gondola. Kung ang sub-contractor ba ay may sariling safety program at kung siya ba ay inubliga ng contractor - at kung ano-ano pa na may kinalaman sa safety? Ang kaliwanagan ay makakamtan lamang kung ang pagiimbestiga ay tututukan at tuloy-tuloy na gagawin ng mga awtoridad hanggang sa matukoy ang tunay na ugat ng mga pagkakamaling nagwakas sa malagim na kinahinatnan ng mga sinamangpalad.
Sa ngayon ay natabunan na marahil ng mga mas-mabibigat na balita ang sakuna at di natin marahil mapipinto ang direction at kahihinatnan ng imbestigasyon. Ngunit ang maliwanag sa akin ay ang mga kakulangan na siyang nagging mitsa ng aksidenteng ito. Ang unang kakulangan ay sa mga manggagawa, ang pangalawang kakulangan ay sa mga taong ang pananagutan ay ang pagpapairal ng mga regulasyong ulkol sa kaligtasan ng mga manggagawa, at ang pangatlong kakulangan ay sa mga ahensiyang dapat magpatupad ng mga batas na nagsasaad ng kasiguruhan ng kaligtasan ng mga manggagawa.
Isa-isahin natin.
Ang kakulangan ng mga manggagawa ay ang di pagkakaroon ng tunay na pagintindi, paggalang at pagsunod sa mga patakaran ukol sa kaligtasan sa pagawaan o trabaho.Masyado yatang talamak ang kawalang-ingat o kawalang-taros ng marami, lalong-lalo na kung walang nakamasid na puno.
Ang kakulangan ng mga dapat nagpapairal ng kaligtasan ng mga manggagawa, sa aking pananaw, ay ang tila mababaw na pagtatalakay nila sa bagay na ito. Ilan kaya sa libo-libong mga negosyo sa ating bayan na umaasa sa mga manggagawa para sa kanilang tagumpay ang mayroong tinatawag na Safety Manual na kung saan nilalaman nito ang nakatitik na administrative policies on safety and health? At kung mayroon man, ito kaya aybinibigyan ng katuturan; gaano ito kahigpit na ipinatutupad? Ilan kaya ang may Safety and Health Committee, at kung mayroon man, ito kaya ay binibigyan ng sapat na importansiya upang maging epektibo? Gaano kalalim ang pagkakaintindi at paggalang na ibinibigay sa Occupational Safety and Health Standards (OSHS) na ipinatutupad ng DOLE ayon sa Art 162, Bk IV ng Labor Code of the Philippines?
Ang kakulangan naman ng mga dapat magpatupad ay ang tila ang matamlay o walang siglang pagpapasunod sa isinasaad ng ng batas. Ang pananaw na ito ay nabuo base sa aking nasaksihan na kung saan ay marami na ang mga sakunang nagdaan na kinabibilangan ng mga manggagawa sa lugar ng kanilang mga trabaho na mistulang bula na nabuo at basta naglaho. Halos di napansin o pinansin. Ilan na ba sa libo-libong negosyo sa bansa ang kanilang naturuan o napaalalahanan ng tungkol sa OSHS? Anong posiyento nitong mga ito ang nabibisita ng regular upang maisiguro ang kanilang pagtupad? Mayroon na bang programang nabalangkas upang tuloy-tuloy na mapalawak ang mga may kaalaman tungkol sa OSHS at ang pagtanggap o pagpapatupad nila ng nilalaman nito?
Bilang pangwakas, sana ay di lang ang Eaton ang nagulantang ng nangyaring sakuna. Sana ay nagulantang din ang buong industriya ng konstruksiyon at sana ay nadamay na din sa pagkagulantang ang iba pang mga industria at negosyo na katuwang ng mga manggagawa. Sana ay nagulantang din ang mga manggagawa. Sana ay nagulantang din ang mga nasa pamahalaan. At sana, kahit paano ang pagkagulantang na ito ay magpalawak ng tunay na papapahalaga ng lahat sa Occupational Safety and Health. Isa ring paraan ito upang mapasigla ang manggagawa, ang negosyo, ang ekonomiya ng bansa at mapalawig ang kalidad ng buhay natin dito sa ating inang bayan.