Friday, April 1, 2011

Ang Kalidad at Tibay ng Mamamayang Hapon

Nakatanggap ako  nito lang nag email na ipinasa sa akin ng aking maybahay na si Mel, na kung saan ang nilalaman ay ikinakalat, at nag-aanyaya sa mga napadalahan na lumahok sa sabay-sabay na pagdasal (parang nobena) para sa bansang hapon, lalong lalo na para sa kanyang mga mamamayan na napinsala at namatayan. Kaagad na lumahok ako sa nobena; ipinorward ko din pati ang email sa aking mga kakilala.
Napakarami ng mga nakapansin at namangha sa ipinakitang disiplina ng mga mamamayang Hapon sa gitna ng salantang tinamo nila buhat sa lindol at tsunami na tumama sa hilagang-silangan bahagi ng kanilang bansa. Tahimik na nakalinya pa rin sila habang matiyagang naghihintay ng kani-kanilang torno para mapasahan ng pamatid-guton at pansamantalang mga gamit na pantugon sa pangangailangan nila. Kasama na dito ang tulugan, kumot, atbp. Walang unahan, agawan at hiyawan na kalimitang namamalas sa ibang bansang sinapit din ng ganitong kalamidad – pati na din dito sa atin.
Kagila-gilalas din ang ipinakita nilang kakayahang maayos sa loob ng maigsing panahon ang mga nasira (tulad ng mga nagka-biyakbiyak at nawasak na kalye na naibalik sa parang bagong kalagayan sa loob lamang ng 12 araw). Kahanga-hanga din ang bilis nila sa paghawi at maayos na pagsalansan ng mga nagtambak at gabundok na mga “debris” na nagbabara ng mga daan. Dahil dito dagling nagkaroon ng maayos na daanan ang mga nagdadala ng tulong sa mga nasalanta.
Mamamalas kahit dito lang sa mga nabanggit na obserbasyon ang pagpapahalaga ng karamihan ng kanilang mamamayan sa karapatan ng bawat isa. Gayon din ang pagkakaroon ng epektibong sistema at kakayahan ng kanilang pamahalaan na tumugon sa pangangailangan ng bansa, at ng mamamayan, sa panahon ng grabeng kalamidad.


Nasalanta ang bansang Hapon, at ako ay naawa sa kanya. Ngunit kasama ng pagkaawang ito ay ang pakikiramay, at ang malaking paghanga sa naipakitang taas na antas ng kalidad ng kanyang pamahalaan at mamamayan. Kung dahil dito lamang ay wala akong pag-aalinlangan sa kakayahan niyang bumangon at muling mamayagpag buhat sa pagkakalugmok niya ngayon.
Tama nga marahil ang nabasa ko minsan na nagsasabing, “ang tunay na pagkatao ng isang tao ay lumulutang sa panahon ng isang malaking pagsubok”. Ang mga Hapon ay kilalang may mga disiplina, masistema, at masinop. Ito ang kanilang ipinamalas sa panahon ng masasabing pinakamabigat na pagsubok na napagdaanan nila bilang isang bansa sa loob ng nakaraang mahigit na 65 taon.
Paano kayang naging ganito ang bansang Hapon? Paano kayang naging ganito katibay at ganito kataas ang kalidad ng kanyang mamamayan? Sa aspetong ito, sila ay nakakainggit!
Naitanong ko tuloy sa isip ko kung gaano kaya karami sa ating mga mamamayan na ngayon ay nagmamasid sa Hapon ang nakakaramdam din ng paghanga at pagkainggit sa ipinamalas nila – sa kabila ng daluyong at kalamidad na kanilang dinanas. Paano kayang ang pagkainggit na ito (kung nararamdaman man ng marami) ay magamit upang magtulak sa atin na magkaroon din ng tibay at kalidad (bilang isang mamamamyan) na katulad din ng ipinamalas nila.
Sa palagay ko ay may malaking pag-asang matularan natin ang Hapon sa aspetong ito. Sa palagay ko ay maraming “factors” na nasasaatin ngayon, bilang mamamayang Pilipino, ang nagsasabing pwede tayong magtagumpay kung sakaling hangarin natin na magaya ang mamamayan ng bansang Hapon. Maipapaliwanag ko ito marahil sa mga susunod kong lathain.
Samantala, ang artikulong ito ay tinatapos ko dito sa loob ng isang kapehan sa Tomas Morato upang maihabol ko at maipadala (o madala) kay PedXing ngayong gabi sa “Thirst.Day”. Sa pagsusulat ko ay napudpod ang dalawang lapis na ginagamit ko kaya nag-bakasakali akong himingi ng pantasa sa waitress na ngumiti lamang. Laking gulat ko ng dumating siya na may dalang “pencil sharpener” na naging malaking tulong sa pagtapos ko ng artikulo. Napangiti ako nang mapagwarian kong an kapeng ininom ko ay kapeng Hapon at ang kapehan ay impluwensiyang Hapon. Nakakatuwa!