08 August 2011
Mekaniko
By Jaime T. Lopez, III
Hay naku! Nakakahilo ang di lang limampung mga artikulong nabasa ko tungkol sa SONA ni Pinoy sa dami ng anggulong tinutumbok, kapwa positibo at negatibo. Ang mga artikulong ito ay galing sa mga aral at batikang mga personalidad na kung saan, bagama’t di kinakailangang sang-ayunan, ay nararapat lang na iginagalang ang kani-kanilang mga pananaw. Mabuti rin sigurong suriin ang mga punto nila at pulutin ang mga sensible o mahahalagang bagay na maaaring makapagpatayog sa programang iniaakma ng tatlong sangay ng pangkasalukuyang pamahalaan para sa pagpapaunlad ng bayan.
Subali’t, sa kabila nito, sa ganang akin, ang dapat na tunay na mamayani ay ang pananaw ng nakararaming ordinaryong taong bayan na kung saan ay naipakita sa survey ng TV Patrol, pagkatapos na pagkatapos ng SONA ng Pangulo. Sa survey na ito, sa aking pagkakatanda, ay nasiyahan ang 87% ng mga respondents sa mga binigkas ng Pangulo sa kanyang talumpati.
Kabilang sa mga natalakay niya ang tungkol sa isinasagawang patuloy na pagtugis na sa mga korap at nagsasamantala sa kaban ng bayan (mga kaso as DPWH,Pagcor, PNP, atbp); ang mga naisakatuparang positibong pagbabago sa ekonomiya (kagaya ng pagtaas ng credit ratings ng bansa na nakapagpababa ng interes sa ating mga inuutang – at nakatipid na nga tayo ng P23B mula Enero-Abril 2011); ang pagdidiin ng posisyon ng bansa tungkol sa pambasang dangal na kung saan di tayo magpapadaan sa sindak (tungkol sa Spratleys) at ang paghahain ng kaso tungkol dito sa UN Council on Law of the Sea ; ang pagkakatanggal natin sa Tier2 Watchlist ng Trafficking in Person Report ng US na nagsiguro ng ating pagkuha ng mga grant sa Millenium Challenge Corporation.
Dagdag pang mga tinalakay ang pagpupursiging mapababa ang unemployment rate sa 7.2% (buhat 8%) sa loob ng nakaraang 12 buwan na kung saan ay 1.4 milyun na trabaho ang nalikha; ang pagtalakay sa mga pangangailangan ng ating mga kapulisan at kasundaluhan (sa pamamagitan ng programang pagbibigay sa kanila ng murang pabahay); ang pagtalakay sa pangangailangan ng ating mga kababayan na kasalukuyang nakasadlak sa kahirapan sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program; ang pagsusuheto sa sobra-sobrang suweldo ng mga nangangasiwa ng mga Government Owned and Controlled Corporation o GOCC; ang kasalukuyang tagumpay sa agrikultura, lalo na ang tungkol sa bigas; at marami pang iba, na kung saan ay ikinalugod ng karamihan ng ating mga mamamayan.
Pulos mahalaga ang mga nabanggit na, ngunit sa aking pananaw ay higit na mahalaga ang idinidiin ni P-Noy tungkol sa pagwawaksi natin bilang isang lipunan ang tinagurian niyang “utak wang-wang” na siya marahil ang ugat ng namamayaning kultura ng korapsiyon. Ngunit sandali lang... papaano natin magagawang maiwaksi ito? Hindi ito kayang isakatuparan ng Pangulo lamang, at kahit na samahan pa siya ng kanyang kabinete, Senado, Kongreso at Korte Suprema. Pero, pwedeng mangyayari ito kung aayudahan siya ng sambayanan!
Ang tanong muli ay...papaano makakaayuda ang sambayanan?
Tayo, ang sambayanan, ay makakaayuda kung unang-una, ay kikilalanin natin na ang “utak wang-wang” ay nasasaatin din, at ito ang una nating iwawaksi. Kasi, paano natin magagawang pintasan at sitahin ang “utak wang-wang” ng iba kung tayo mismo ay mayroon ding ganuong kapintasan.
Ano nga ba ang mga “utak wang-wang” na nasa atin na mga mamamayan? Marahil ay yuong di pagsunod sa mga simpleng patakaran na kagaya ng pagtigil sa stop light kung pula, pag-counterflow kung matrapik, pagpasok sa kalyeng may “Do not enter”, pagsuhol o pagbibigay ng kotong kung nahuhuli, pagtatapon kahit mayroong karatulang “No Littering” o “Bawal Magtapon ng Basura” (at kung minsan ay sa harapan pa nito magtatapon). Kasama din ang mga simpleng mga gawain na kagaya ng di pagbibigayan at paggigitgitan kung matrapik, pagiging masaya kung nakakaisa, pag-aagawan at pag-uunahan sa pagsakay sa sasakyan, pagkawala ng konsiderasyon para sa iba,atbp.
Kung babalikan natin ang nakaraaang taon, bakit napalis ang wang-wang sa kalye? Dahil sa ang Pangulo mismo ang kusang loob na nagpasimula nito, at dahil sa pagpapakita niya ng halimbawang ito ay sumunod ang mga mamamayan. At ang mga mamamayan na din ang tumulong sa pagpapatupad (naalala ko pa ang mga sunod-sunod na pag-rereport, pagsisita, at kung minsan ay pagbubugbog nila sa mga di sumusunod sa halimbawang ipinakita ng Pangulo). Itong pagpapakita ng halimbawa ni P-Noy ang dapat nating sundan upang magkaroon tayo ng “K” – at makaayuda.
Naaalaala ko ang isang kasabihang tumutukoy ng ganito: “Kung gusto mong baguhin ang pamahalaan, baguhin mo ang mga tao, nguni’t kung gusto mong baguhinn ang lipunan, baguhin mo ang pagiisip ng mga tao”.
Ang basa kong pangunahing puntirya ng Pangulo ay ang mapagbago ang isip nating mga mamamayan. Kagaya ng naipamalas niya tungkol sa wang-wang sa kalye, ay puwedeng maipairal ang pagpapalis ng isang bagay kahit na ito’y talamak at matagal nang namamayani. Matagumpay nating naayudahan nuon si Pinoy. Ayudahan muli natin siya dito sa malawakang pagsisikap upang tulong-tulong tayong magtagumpay sa pagsugpo ng “utak wang-wang”.