Thursday, August 11, 2011

De kalidad na musikang Pinoy! (2)

01 August 2011
Mekaniko
By Jaime T. Lopez, III


Nuong isang Lunes, July 18, ay nasuwertehan kong maisama si Eddie Salvador, isang pinsang taga San Francisco, ang aking maybahay na si Mel, at anak na si Jim, sa isang pagtatanghal o performance ng Asosasyon ng Musikong Pilipino (AMP) Big Band. Nasabi kong suwerte dahil sa ang pagtatanghal ay isang pribadong benefit show at produksiyon ng UST Artlets Batch ’88 (para sa benepisyo ng UST Artlets Alumni Asssociation Scholarship Program) na pinamagatang “Isay Alvarez swings out”. Nagkataon lang kasi na kaibigan ko si Skarlet Brown, ang may-ari ng Skarlet’s Jazz Kitchen (dating Ten02) na kung saan ay duon ginanap ang palabas at siya ang nagturo sa amin ng paraan upang kami ay mapayagang lumahok.
Dahil nga sa pribado ang event ay kinailangan makiusap kami sa mga namamahalang taga UST Artlets (na sina Isay Alvarez at ang kanyang kabiyak na si Robert Sena) at pinayagan naman kaming dumalo, pero duon na lamang sa pangalawa, at huling, araw ng pagtatanghal.
Tuwang –tuwa at napapaindak sa saya ang aming pinsan sa naipakitang galing sa pagtugtog ng AMP Big-band na pinamumunuan ng batikang musical arranger na si Mel Villena.
Nang gabing yun, ang banda ay kinabibilangan ng mga sumusunod na musiko: 5 sa  Saxophone (1 barritone, 2 tenor, at 2 alto), 4 sa Trombone, 4 sa Trumpeta, 1 sa contra bass, 1 sa gitara, 1 sa drum set, 1 sa keyboard/piano, at 1 pa para sa conga drums. Labing siyam sila lahat, kasama ang tagakumpas.
Nagsimula ang unang yugto ng palabas ng mga pasado alas otso na ng gabi sa pamamagitan ng pagtugtog ng AMP Big Band ng “How high the moon (Hamilton & Lewis)” overture na areglo ni Mel Villena. Sunod-sunod na ding tinugtog ang “A few good Men “ at  “April in Paris” na kung saan nagpakitang gilas sa pagsosolo sa piano si Joey Quirino, sa trumpeta si Vierchi Gonzaga, at sa alto sax naman si Tots Tolentino. Ang nakakaaliw ay mga OPM na tugtuging kinatha para sa banda na gaya ng “Tribute” na gawa in Ronnie Marqueses na kung saan ay nagpakita naman ng pagka-batikan sina Nestor Gonzago sa trumpeta at si Mike Guevarra sa tenor sax. Isa pa ring OPM na tugtuging banda na katha naman ni John Palacio, ang “If it feels good, it’s got to be a sin”ang tinugtog at dito din ay nagpakita muli ng galing sa sax si Tots Tolentino, at sa trumpeta naman , si Jorge Abundo.
 Ang pangalawang yugto ay pawang kanta ni Isay Alvarez, na kung natatandaan natin ay siyang naging star sa Miss Saigon Production dito sa Pilipinas. Kasama din siya sa tropang pumunta sa London nuong 1989 na kasama ni Lea Salonga upang gumanap na Gigi sa orihinal na produksiyon duon ng Miss Saigon. Dahil dito ay may 4 na taon din siyang namalagi sa Europa.
Mataginting at buong-buo ang boses, at napakaganda ang pag-awit ni Isay , na lalong napaigting ng  napakagaling ding pagsaliw ng AMP Big Band, kung kaya’t sadyang humanga ulit ang kano’ naming pinsan - di niya mapigilang pasigaw niyang sinabi sa aking “…that’s a singer…” habang nakikinig. Nagsimula sa mga awiting banyaga na kagaya ng “Moonlight Serenade”, “Our love is here to stay”, “Someone to watch over me”, “Cheek to cheek”, “Fever”, “Smile”, at “Come fly to the moon medley” (kasama si Robert Sena) na kung saan ay naipinamalas ni Isay ang kanyang galing. Nguni’t mas nakalulugod sa akin ang mga inawit niyang mga OPM na kagaya ng “No money, no honey” na isang tribute kay Sylvia la Torre, “Mahal na mahal kita”, “Balut”, “Hahabol-habol”, “Galawgaw”, at ang “Kung ayaw mo na sa akin” ni Gary Granada.
Natapos ang palabas ng mga pasado alas-diyes na ng gabi at umalis kami sa pinagdausang lugar na masaya, kontento at may muling dagdag na paghanga sa kakayahan ng musikong pinoy na ‘di lang magsagawa ng de-kalidad na musika, kundi  sa pagkatha din nito.
Sa Skarlet’s Jazz Kitchen regular na idinadaos ng AMP Big Band ang kanilang performance at ito ay kalimitang ginagawa ng lunes ng gabi. Ang mga miyembro ng banda ay pawang mga aral sa musika, at karamihan sa kanila ay kilalang mga batikan sa kanilang mga instrumentong hinahawakan. Ang may-ari naman ng lugar, na si Skarlet (ang “…new voice of Pinoy Jazz”), ay isa ring batikang Jazz singer, at siyang regular na mang-aawit ng AMP Big Band. Ang SJK ay ang dating Ten02 at matatagpuan sa #1002 Scout Ybardolosa, QC. Para sa mga may katanungan, maaaring matawagan ang SJK sa Cell # 09163624596.

No comments:

Post a Comment