Tuesday, September 20, 2011

Di-pangkaraniwang kumpanya, ideya ng “bagong bayani” na Pinoy.

15 August 2011
Kamakailan, ako ay nakatanggap ng isang text galing kay Jojo Gonzales, isa sa aking pinagkakatiwalaang batang inhinyero sa aking dating pingtatrabahuhan at kung saan ako nagretiro noong 2007.  Inaanyayahan nya ako sa pasinaya ng kanilang kumpanya, ang Watercon Solutions Phillippines, Inc. (WSPI)
Mga apat na taon na din kaming walang kontak ni Jojo, at alam kong siya ay umalis na rin sa pagawaan ng lubid nang inilipat ang planta sa Laguna, buhat sa Makati, noong 2008. Naintindihan kong bago ang trabaho niyang ito kaya’t naisip kong bigyan siya ng suporta. Nakasabay ko roon ang mga panauhin buhat sa mga kumpanya ng Realty, Konstraksiyon, Inumin, Gamot, at Hotel (kasama na dito si G. Peter Bamburg, General Manager ng Crown Hotel sa China)
Hndi ko inaasahan ang aking nasaksihan, na aking kinalugdan ng lubos. Unang-una ang kumpanyang inilulunsad ay brainchild ng isang tinataguriang  bagong bayani ng bayan, o OFW, na siyang General Manager. Si G. Milo Pangilinan ay isang Indutrial Engineering graduate  mula sa Technological University of the Philippines (TUP). Nagsimula siyang magtrabaho bilang Logistics Manager sa port area na kung saan ay nag-introduce siya ng mga hi-tech na mga pamamaraan na nagbigay ng malaking bentahe sa kanyang kumpanya, kontra sa mga kakompetisyon. Bagama’t maganda ang kanyang performance sa port area ay naisipan pa rin niyang mangibang bansa. Nakuha siya ng ng Philips HK bilang miyembro ng Technical Support. Tumagal siya sa HK ng 2 taon na kung saan ay nakita niya na maaari din niyang mapakinabangan ang iba niyang talento, at ito ang kanyang ginawa pagkatapos ng kontrata niya sa Philips HK.
Si Milo ay magaling tumugtog ng gitara, kumanta at magluto (masarap mag-adobo), kung kaya’t ng mag-audition siya sa mga hotel sa Tsina kinuha kaagad siya ng isang GM bilang isang singing cook. Tumagal si Milo ng 6 na taon sa Tsina, na kung saan, dahil s
a naipakita niyang kakayanan (nakilala na siya at na-feature pa sa diyaryo duon) ay nagpalipat-lipat siya sa mga hotel na nag-aalok ng mas malaking pasahod.
Ayon sa naikuwento ni Milo nuong gabi ng inagurasyon, napansin daw niya sa Tsina na ang gas na CNG (parang punong tangke ng LPG  natin ngunit mabigat lang ng mga 3 kilo) ng water heater sa apartment, at pinagpapainitan  araw-araw ng pampaligo ay nagangalahati pa lamang pagkatapos ng mga 3 buwan na paggamit. Ang kahanga-hanga dito ay tatlo silang lahat sa apartment. Dito nagsimulang mabuo ang ideya niyang dalhin sa Pilipinas ang teknolohiyang ito upang ang mga kasalukuyang gumagamit ng heater ay makapagtipid sa kuryente at ang iba naman ay makapagsimula sa praktis na ito na makakapagbigay ng malaking kaginhawaan sa katawan lalong-laho na kung naliligo sa umaga. Bukod dito, ngayong panahon na mas dumarami ang malamig na mga buwan dahil sa climate change, at ang mamamayan ay mas madaling kapitan ng sakit, maaari din itong makatulong sa pagpapababa sa dami ng nagkakasakit na mga estudiyante at empleyadong nagpupunyaging maligo sa umaga. Hindi na rin maituturing na luho ito dahil sa tipid ng panggatong na ginagamit.
At nuoong nanduoon si Milo sa Tsina, naging matalik na kaibigan niya si G. Rajen Thuraisingham, na siyang Food & Beverage Director ng Crowne Plaza. Si Rajen ay isang Australyanong ang mga ninuno ay galing sa India. Isa siyang investor na may mga negosyo sa Australya, Las Vegas, at Tsina. Siya din ang nahikayat ni Milo na maging investor at siyang tumayong  Chief Executive Officer ng  kumpayang itinayo. Nahikayat si Rajen dahil sa, bukod sa magandang pinagsamahan nila ni Milo ay nagustuhan niya ang ugaling namalas niya sa mga nakasalamuha niyang mga Pinoy ng naimbitahan siya ni Milo na mamasyal dito. Habang pinapakinggan ko ang talumpati niya sa kanilang inagurasyon, na-impress ako sa ipinakita niyang tiwala at suporta sa mga kasamahan niya at sa negosyong binuo nila.
Nuong Biyernes lamang ay bumalik buhat sa Tsina si Milo at si Jojo na nag-training tungkol sa mga produktong ilulunsad ng WSPI dito sa atin. Isa ito sa mga naipangakong isasagawa ni Rajen sa kanyang talumpati. Nabanggit din niya na layon nila ang palaguin ang naitayong negosyo upang makapaglikha  pa ng mga karagdagang trabaho para sa ibang mga kababayan natin. Naisip ko ng mga sandalling iyon na tugmang-tugma ang kanyang mga sinabi sa hangarin ni P-Noy tungkol sa pagpapalago ng trabaho para sa Pilipino.
Ang WSPI ay nakaiskedyul na maglunsad (o launch) ng dalawang produkto sa darating na Septyembre. Ito ay ang Portable CNG Water Heater (isang tank-less gadget na madaling ikabit sa mga banyo at  magbabawas ng lamig ng pampaligo sa umaga) at ang Water Ionizer (isang water treatment equipment na maglilinis, magpapadalisay at kayang magpalabas ng tubig na may pH na naaayon sa pangangailangan ng isang tao o di kaya’y para sa paggawa ng gamot, kosmetiko, at ibat-ibang mga inumin).
Malaking pangpersonal na kapurihan at tagumpay para kay G. Milo Pangilinan ang naisakatuparan niyang ito. Malaking tagumpay din para sa bayan na ang isang dating OFW na katulad niya ay matagumpay na naging isang entrepreneur. Harinawa’y magpatuloy ang kanyang paglago at tagumpay, at harinawa’y magaya din ito ng ibang pang mga “bagong bayani” na Pinoy.
Sa kasalukuyan ay layunin nilang mabuo bago matapos ang taon na ito, ang kanilang Sales Team (na pamumunuan ni G. Ricardo Ramos bilang National Sales Manager), ang Technical Support Team (na sasailalim  naman kay Ing. Jojo Gonzales bilang Technical Support Manager), at Admin/Office Support Team.
Ang tanggapan ng WSIP ay nasa RLN Center, M.H.del Pilar St., cor Gov. Pascual Ave., Malabon City. Ang mga Telepono nila ay (632) 509-5370/ (632) 509-5874/ (632) 509-2380.

No comments:

Post a Comment