6 June 2013
Mekaniko
By Jaime T. Lopez, III
“Bansa ng mga alipin” nga ba?
Nakakalungkot ang
balitang natanggap buhat sa Hongkong tungkol sa kinalabasan ng “Azkals vs. HK friendly
game” nuong June 4 na kung saan ay nanaig
ang Pilipinas (http://www.abs-cbnnews.com /sports/06/04/13/azkals-players-fans-abused-hong-kong
at saka http://ph.sports.yahoo.com /news
/azkals-triumph-hong-kong-under-hostile-crowd-023000755.html). Nakakalungkot dahil sa pambubusabos na
ginawa ng mga intsik hindi lamang sa pagkatao ng mga kababayan natin na naroroon,
kundi sa atin ding bansa. Ang balitang ito ay napatotohanan na din nang ibat-ibang
mga kababayan natin na nakasaksi, at agad na naipabatid dito sa atin sa pamamagitan
ng “twitter.”
Ayon sa aking nabasa
ay tinutugtog pa lang ang ating pambansang awit ay walang respetong
nagsisigawan nang “boo!” ang mga
intsik at pinapakitaan ang mga Pilipino nang “dirty finger”. Katakut-takut din daw ang ibinabatong mga mura
at mga bote sa mga manlalaro at mga kababayan natin na naroon upang manood lang
ng naturingang “friendly game.” At
ang gawaing ito ay ipinakita di lang ng mga matatanda kundi mga kabataang
intsik din.
Isa sa mga naibalitang
pang-insulto o pagmamaliit na ginawa nitong mga intsik ay ang lantarang pasigaw
na pagbansag na “slave nation” o di
kaya’y “bansa ng mga alipin” ang Pilipinas. Sa totoo lang, ang unang sumilakbo
sa akin ay ang galit, nguni’t nang di kalaunan, sa pagninilay-nilay, ito ay
natuloy na lamang sa pagkalungkot. Naisip ko kasi, bandang huli, na di dapat
tapatan ng galit ang pangyayaring ito. Bakit? Dahil sa di naman totoo! At saka
naniniwala akong ang pikon ay talo.
Unang-una, hindi malayong
ang batayan nila sa pagsabi nito ay ang pagkakaroon ng mga 140,000 na mga
“bagong bayani” natin sa HK, na kung saan ay may mga 30,000 na namamasukan
bilang “domestic worker”, o
tinagurian nilang “amah” (http://en.wikipedia.org/wiki/Overseas_Filipino). Nguni’t yuong mga kababayan natin na nanduon ay 0.14% lang ng isangdaang
milyon na populasyon ng Pilipinas. At pangalawa, bagama’t marami sa mga namasukan na “domestic worker” ay may mga mataas na pinag-aralan, sinadya
nilang magsakripisyong namasukan ng ganoon dahil sa kagustuhan lang na magkaroon
ng mas magandang pagkakakitaan para sa kinabukasan ng mga mahal sa buhay.
Hindi totoo, at
lubhang mali ang pagbabansag na ginawa ng mga taga-HK sa Pilipinas dahil sa ang
alipin ay isang tao na pag-aari ng iba, na kung saan ay puedeng ibenta ng
may-ari. Walang ganoon na kalagayan dito sa Pilipinas.
At kung mayroon mang
mga bayan na ang mga mamamayan ay mga alipin ng kanilang pamahalaan, tiyak na
hindi kasama ang Pilipinas sa mga bayan na ito. Masasabi ko ito dahil sa
maraming kalayaan na tinatamasa ng mga Pilipino. Kasama na dito ang kalayaan sa
pagpili ng kanilang mga pinuno, ang
kalayaan sa pamamahayag, kalayaan sa pagkakaroon ng anak, kalayaan ukol sa
relihiyon, atbp.
Sa totoo lang, malaking
pasasalamat ang dapat nating tanawin sa HK dahil sa pagkakataong naibibigay nila
sa mga kababayan natin na magkaroon ng mabuti-buting pagkakakitaan. Nguni’t sa
kabilang dako ay dapat din naman nilang bigyang-halaga ang kabutihang
tinatamasa nila dahil sa pagkakatalaga doon ng mga kababayan nating walang pag
-aalinlangang nakatuwang nila sa pagpapalago ng kanilang kabuhayan, at nangasipag-alaga
ng kanilang mga pamilya. Nakakalungkot; kasi, dito sa atin, pinapahalagahan
natin ang paninilbihan ng ating mga manggagawa, at lalo na ng ating mga
kasambahay.
Kung mayroon mang
umaalipin sa maraming Pilipino ngayon, tiyak na hindi ang bansa, kundi ang
kahirapang dinaranas nila ngayon. At ito rin ang dahilan upang marami sa atin
ang nagpasiyang magsakripisyo at magibangbayan. At ito ay hindi upang
magpaalipin, kundi ang magbahagi ng kanilang galing at kakayahan sa mga bayang
salat sa mga tauhang katulad nila, kapalit ng pagkakaroon ng maganda-gandang
pagkakakitaan. At ang sakripisyong ito ay kalimitang para sa kapakanan ng kanilang
mga mahal sa buhay. Ang galing at kakayahan ng mga Pilipino ay lubos na
napatunayan na sa buong mundo kung kaya’t sila ay lubhang kinagigiliwang kunin
na magtrabaho sa ibang bansa.
Sa aking pananaw, ang
kahirapang namamayani sa atin ngayon ay magkakaroon din ng katapusan. At bakit
ko nasasabi ito? Dahil sa magandang ipinapahiwatig ng mga pagbabagong
nangyayari na ngayon lang natin nararanasan.
Unang-una ay ang
pagkakaroon ng isang pamunuan, sa katauhan ni Pangulong Noynoy, na di
nadungisan ng kurapsiyon, at siyang dahilan kung kaya’t kanyang nakayanan (sa
pamamagitan ng kanyang pangunguna sa pagtataguyon ng “Tuwid na Daan”) na unti-unti
na nailalayo ang ibat-ibang bahagi ng pamahalaan sa nakasanayang kurapsiyon.
Dahil dito ay nagsimulang magkaroon ng tiwala ang mga namumuhunan upang
palaguin ang kani-kanilang mga negosyo. At bagama’t umuusbong pa lang ang bumubuting
kalagayang pinansiyal at takbo ng ekonomiya ng bansa ay tila sapat na upang lubhang
mapabago at nagpaangat ang tingin, pananaw at tiwala sa atin ng “international
economic community.”
Sa unang pagkakataon din
ay nabigyan tayo (at tatlong sunod-sunod pa) ng “investment grade rating” ng “sovereign debt rating agencies” na siyang isang hudyat na hinihintay ng
mga namumuhunan upang magpuntahan sila at magnegosyo sila dito (kagaya ng
pagtatayo ng mga pabrica at ibat-ibang mga pagawaan). Kapag nangyari ito ay
lalong tataas ang paglago ng tinatawag na gross domestic product, o GDP, na
siyang sukat ng lebel ng ekonomiya ng isang bansa. At habang tumataas ito ay
lalong darami naman ang puwedeng makuhang trabaho ng mga mamamayan. Kapag
nangyari na ito ay dito na magsisimula ang pagsugpo natin sa mapag-aping
kahirapan, na kagaya ng nakayanang gawin ng tinatawag na apat na “Asian
Tigers” (Singapore, South Korea, Taiwan, HK) sa loob lamang ng isang henerasyon (buhat 20 hanggang 30 taon) nuong
nakaraang siglo.
Ang pagbabago ay
nagsisimula pa lamang, at malamang ay tunay na mapapakinabangan lang ng susunod
na mga henerasyon, na sa aking pananaw ay siya namang tunay na layunin ng karamihan
sa atin na naghahangad ng mas-mabuting kalidad ng buhay para sa mga Pilipino.
At ang kaganapan nito ang siya na ring pansagot upang di na tayo mamaliitin at
bubusabusin ng ibang mga lahi. Sa aking palagay ay papunta na tayo duon, kaya
lang kailangang umalalay din ang mga mamamayan upang ang hangarin na ito ay
masunod.
Sa palagay ko ay
magiging maayos ang takbo ng bayan sa
susunod na tatlong taon habang nandiyan pa si Pangulong Noynoy. Ang kailangan
nating intindihin na mga mamamayang naghahangad na magapi ang kahirapan ay ang pagpupursigi
at pagiging aktibo sa pagsasagawa ng mga hakbang upang ang susunod, at mga
susunod pa, na pangbansang pamunuan ay yaong mayroong mga pangarap para sa
bayan na katugma ng kay Pangulong Noynoy (na di pang-sarili lamang). Pag nagawa
natin ito ay malamang na magkakatotoo na din ang mabuting pangarap natin para
sa ating mga anak at apo.
Ang puna at reaksiyon
ay ikalulugod ng sumusulat at mapapadala sa pamamamgitan ng email
(sl3.mekaniko.com) o di kaya’y sa kanyang
blog (http://mekaniko-sl3.blogspot.com).
No comments:
Post a Comment