Tuesday, July 12, 2011

Kumentario tungkol sa kalidad ng ilang organisasyon


July 2, 2011

Mekaniko (People's Journal )

Dapat sana ay nasa himpapawid na kami sa oras na ika 7:55 n.u. kung natuloy na lumipad ang ZestAir ayon sa iskedyul niya.

Isang grupo kaming magkakasabay na aalis upang umatend ng pang-pitong meeting ng national board ng Philippine Society of Mechanical Engineers sa Bacolod. Pasado ikawalo na ng umaga ng maabisuhan kami sa sa pamamagitan ng  ispiker na ang delay ay hanggang alas dose ng tanghali - at ito ay wala pang kasiguruhan. Ang balita ay mayroon daw dalawang eroplanong sira at inaayos kung kaya kulang ang mga sasakyang puwedeng paliparin.

Sa aking palagay ay dapat lamang na ayusin ang mga sasakyan na may diperensiya (lalo na kung eroplano), at madaling intindihin ito. Yun lang, tila walang maliwanag na paghahanda itong airline tungkol sa ganitong mga pagkakataon. Sana naman ay di tama ang aking kutob na masyado nilang sinasagad ang gamit ng mga eroplano nila at wala na silang reserba na magagamit kapag mayroong problemang ganito. Naisip ko tuloy ang pagmentina na ginagawa para sa eroplano; nasusunod pa kaya ang mga nararapat na pagmementina, at ang kinakailangang kalidad ng trabaho upang mapanatiling safe ang mga ito?

Mukhang kailangan ding pagbutihin pa ng kumpanya ang kanilang sistema ng pagaasikaso sa kanilang mga pasahero, lalong-lalo na sa ganitong mga pagkakataon. Mga ika-sampu na ng umaga ng mapansin ko na mga anim na flights na ang delayed. Halos puno na din ng mga naantalang pasahero ang departure area ng Domestic Terminal, at tila walang tauhan ang airline sa kanilang information counter na makapagbigay ng mga maayos na paliwanag sa mga katanungan ng mga naghihintay na pasahero. Mangyari naman sanang maglagay sila ng manedyer o supervisor man lang lang upang may puwedeng humarapna  makapagbigay ng masmaayos na papapaliwanag.

Di nagtagal ay naipaalam sa amin na nag-rerefund na lang daw sila sa mga di makapaghihintay. Dahil ditto ay napagkasunduan naming magkakasama na lumipat na lang sa ibang airline upang magkaroon ng kasiguruhan ang aming pagalis, at upang kahit papaano ay makaabot kami sa aming miting. Nakakuha naman kami ng upuan sa isang airline sa Terminal 3. Muli, tila kulang na naman sa karinyo ang mga tauhan ng ZestAir dahil sa ni hindi man lang sila nagbigay ng asiste sa kung paano kami makakalipat sa kabilang terminal. Mukhang di interesado ang mga tauhan na makawilihan ng mga pasahero ang kanilang kumpanya. Tila di sila aral sa de-kalidad na serbisyo at saka sa kahalagahan ng kalidad sa pagtatagumpay ng kumpanya.

Ibang-iba ang nakita naming pakikitungo ng mga tauhan ng nalipatan naming airline. Sa ticketing office pa lang ay pawang magagalang na, organisado, at halatang may sistemang sinusunod (pati na sekyurity). Pawang maaliwalas ang mga mukha at pawang nakangiti. Nakatutuwa at nakagagaan ng loob.

Dumating kami sa Terminal 3, mga  ika-sampu at kalahati na ng umaga, at bilang pagpaplipas ng oras, habang naghihintay ng flight na 2:25 n.h., ay minabuti naming mag-miting na lang. Pinagusapan naming anim na national director ang ibat-ibang concerns ng PSME. Dahi ldito ay nangailangan kami ng computer upang makakuha kami ng mga kailangang datos sa internet. Wala kaming dalang laptop kaya naghanap kami ng internet cafĂ© o business center upang makakonekta sa internet. Ang laking gulat  namin na wala kaming makita at mapagalaman namin buhat sa mga tagaroon na walang ganuong mga facility duon.  Halos di ako makapaniwala. Di kaya kakulangan ito ng nasabing terminal dahil sa di malayong may mga pasaherong mangangailangan ng serbisyong ito – kagaya ng biglang pangangailangan namin?

*  *  *  *  *  *  *

Nuong isang lingo lamang ay nakilahok ako sa pagdiriwang ng ika-60 kaarawan ni Billy, isang kababata ng aking “girlfriend” na si Mel. Nadatnan namin duon ang iba pang mga kababata nilang nakipagdiwang din, at ang iba’y may kasama ding “boyfriend”. Sa aming kwetuhan ay naibulalas ng isa sa kanila ang kanyang kunsumisyon sa tagal ng pagkuha ng building permit na kailangan upang masimulan ang pagtatayo ng kanilang bagong bahay sa QC. Nag-aplay daw sila nuon pang Enero, halos anim na buwan na ang nakakaraan, pero tila di makumple-kumpleto ang mga kailangang mga dokumento dahil sa inot-inot na hinihingi (napakahirap ba ang gumawa ng checklist na kung saan ay nakasaad na kaagad ang lahat ng kinakailangan na isumite ng nag-aaplay ng building permit para hindi na maantala ang pagbibigay nito). Habang napaguusapan ito ay biglang napatawa si Onnie, na siya namang “boyfriend” ni Billy, dahil ayon sa kanya ay tumagal ng mahigit na isa at kalahating taon ang dumaan bago sila nakakuha ng kinailangan nilang “building permit”. Nasimulan lang ang pagpapatayo, dalawangput tatlong taon na ang nakakaraan, ng naglagay ng pampadulas ang kanilang kontraktor.

Mukhang napakatagal na at talamak ang ginagawang kalokohang ito – tila nakagawian na. Mukhang kinakailangang talasan ng mga nasa pamunuan ng lungsod ang pagmamasid upang matukoy nila ang mga pasimuno at magawaran ang mga ito ng karampatang parusa o disiplina. Alam kaya nilang kung sila ay napaguusapan ay parang nakakaamoy ng napakabahong basura ang itsura ng mga mukha ng mga nagkukuwentuhan?Isa lang ito sa maraming pwedeng pagtuunan ng pagbabago upang mapataas ang kalidad ng serbisyong ibinibigay ng mga namumuno sa pamayanan.

*  *  *  *  *  *  *
Siyanga pala, napagkasunduan namin sa national board na buhat ngayon ay sa ibang airlines na makapagbibigay ng de-kalidad na serbisyo ang pagkukuhanan  ng mga tiket namin. Mas malamang din na sa pangkalahatan ay mas may kasiguruhan ang matatamo namin buhat sa isang oraganisasyon na may malaking halagang binibigay sa kalidad.

No comments:

Post a Comment