(Note: This article was published in the January 7, 2011 issue of the People’s Journal)
Kasisimula ng bagong taon; unang taon din ng ng bagong dekada. Maganda rin marahil, na maging simula din ng paghakbang tungo sa pagpapalawak ng kaalaman at pagpapahalaga sa kalidad at productivity.
Ang pag-unawa, pagyakap at malawakang paggamit ng pamayanan at ng industriyang Hapon sa dalawang konseptong ito marahil ang pinakamahalagang kontribusyon nila sa tagumpay at kariwasaan na kanilang tinatamasa ngayon.
Ang bansang Hapon ay nakalugmok at bagsak ang pangkabuhayan matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig nuong 1945. Ang kailangan nila ay makipagkalakalan sa mundo upang muling umandar at makabangon ang kanilang ekonomiya. Subalit kahit pwede silang makipag-kompetensiya sa presyo ay hirap pa rin nilang maakit ang merkado sa dahilang mababa ang tingin sa kanilang produkto – mahinang klase at sirain. Dahil dito, at sa pagtatangkilik ng Supreme Commander of the Allied Powers (SCAP), ay nakapag-imbita sila ng mga dalubhasa buhat sa Estados Unidos upang turuan ang mga Hapon ng mga pamamaraang makakapagpataas ng kalidad ng kanilang mga produkto. Nagsimula silang turuan nuong 1950 at bandang 1965 ay kinilala na ang Hapon na tagagawa ng mga produktong mataas ang kalidad. Ang tatak na “Made in Japan” na dati ay minamata lang ay nagawa nilang maging simbulo ng mataas na uri o kalidad sa loob lamang ng mahigit kumulang sa 15 taon.
Naaalaala ko pa na nagsimula kong mawarian ang mga konseptong nabanggit noong mga 1980s (nabasa ko din na sa panahon ding ito nagsimulang gayahin ng Ford ang mga pamamaraang binuo’t ginagamit ng Hapon), halos tatlumpong taon na ang nakakaraan. Naaalala ko din ma marami akong mga nakasabay sa seminar na kung saan ay pinag-usapan at sinuri ang mga pamamaraang ginamit ng Hapon na nagdala sa kanila ng tagumpay. Mahigit na tatlumpong taon na ito, at marami na akong nawarian na mga kumpanya at mga bansa na umunlad dahil sa pamamaraang nabanggit. Ngunit dito sa ating bayan, tila na-bagoong ang kalidad – nabagoong sa loob ng kukote ng marami-rami nating matatalinong kababayan. Parang bagoong sa isang bahay na hinayaan lang sa loob na garapon at hindi nalasap ng mga kasambahay ang sarap dahil sa hindi inihain o ipinamudmud.
Subali’t di pa marahil huli ang lahat, dahil sa ang bagoong naman ay di madaling masira, o mawalan ng sarap, lalung-lalo na kung ito ay nakalagay sa isang maayos at selyadong lalagyan, kagaya ng bote. Marahil, kung ang bagoong ay nakaligtaan lamang ay malamang na mapapansin din kung magsisimulang maghanap ng linamnam ng kinakain ng nasa kabahayan. At kung magkakaganoon, ang gagawin lang ay kukunin ang lalagyan at bubuksan upang ang bagoong ay maihain at ang sarap at linamnam nito ay ikalugod ng sambahayan.
Ganuon din harinawa ang mangyari sa na-bagoong na kalidad. Sana ay mapansin din uli dahil sa kakulangan ng linamnam (o kalidad) sa buhay ng napakarami nating mga kababayan sa kasalukuyan. Sana ay mabuksan ang bumbunan ng mga magagaling nating mga kababayan, na siyang lalagyan ngayon ng nabagoong na kalidad, at maipamudmud ang kalidad na ito sa nakakarami nating kababayan upang sa hinaharap ay mapasaatin naman ang kalidad ng buhay at kariwasaang tinatamasa ngayon ng ibang mga bansa.
No comments:
Post a Comment