(Note: this article was published in the December 3, 2010 issue of the People’s Journal)
May kwento na nang matapos ang pangalawang digmaang pandaigdig o WWII at nasakop na ng bansang Estados Unidos and bansang Hapon, isa sa mga pagsisikap na ginawa ng mga sumakop na Amerikano (na pinamumunuan ni Heneral Douglas MacArthur) ay ang pagbuhay na muli ng industria ng mga Hapon. At upang maisakatuparan ito ay kailangang magawang makipag-kalakalan ang Hapon sa mundo.Yun lang, alam din nila na mahirap ipairal ang hangaring ito dahil sa mga panahon na iyon, ang tingin ng mundo sa mga produkto ng Hapon ay mababa ang uri o kalidad. Poor Quality, ika nga, at ang kakulangang ito ang magiging hadlang upang mahikayat ang ibat ibang bansa na makipagkalakalan sa Hapon.
Dahil dito ay naisip nila Hen. MacArthur na ipairal duon (sa Hapon) ang programang Training Within Industries (TWI) na siyang ginagamit sa Amerika upang mapataas ang kakayanan ng mga industriang Amerikano. Bukod dito ay naisipan din nilang magdala, buhat sa Amerika, ng mga ekspertong pwedeng makapagturo ng mga pamamaraan upang mapataas ang kalidad ng mga produkto ng mga industiya sa Hapon.Una nilang nakuha si Dr. Edward W. Deming, isa sa mga nagungunang eksperto, ng mga panahon na iyon, tungkul sa Statistical Quality Control. Siya ang unang nagpakilala sa mga Hapon ng mga kagamitan o tools na pwedeng gamitin upang ang antas ng kalidad ng mga produkto ng industriya ay mapataas. Sumunod naman sa di kalaunan si Dr. Joseph M. Juran, na siya namang nagturo ng mga pamamaraan sa pangangasiwa at pamamahala ng kalidad (systems approach in the management of quality).
Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga pamunuan ng mga industriya ay unti-unting natutunan at naisagawa ng Hapon ang mga pamamaraang itinuturo. Sa simula ang mga tinuturuan ay yuon lamang mga nasa pamunuan, inhiniyero at iba pang mga teknikal na empleyado at ang kalidad ng kanilang produkto ay bahagyang umangat. Nagsimula lamang sumikad papataas ang kalidad at productivity ng idinamay nang turuan ng tungkol sa kalidad ang mga katiwala o kapatas (foreman) at ang mga manggagawa.
Ang mata ng mga Hapon ay nabuksan tungkul sa kalidad dahil sa pagpapasimuno nila Hen. MacArthur. At nang makita nila ang kahalagahan ay sila na mismo ang nanguna sa pagpapaunlad at pagpapalawig nito sa pamamagitan ng pasasanib ng mga bagong natutunan sa kanilang mga katutubong sistema na kagaya ng “Kaizen”. Umusbong din ang mga sistemang kagaya ng Suggestion Systems, Visual Management, Small Group Activities, Quality Circle, 5S, Total Quality Management (TQM), Total Productive Maintenance (TPM), Just in Time (JIT), Toyota Production System (TPS) at iba pa.
Nagsimulang maturuan ang mga Hapon ng tungkol sa kalidad mga bandang 1950 nung ang tingin sa produkto nila ay mababang kalidad - mahinang klase. Nung bandang 1980 ay tinitinghala na ang kanilang mga produkto at pinagaaralan na din at ginagaya ng mundo ang mga sistemang binuo at ginagamit nila. Ngayong mga panahon na ito ay hindi na maipagkakaila ang pamamayagpag nila bilang taga-gawa ng mga produktong may pangunahing kalidad at siyang sanhi hindi lamang ng pagunlad ng kanilang ekonomiya kundi ang kanilang pagiging isa sa pinakamayamang bansa sa mundo. Nagawa nilang mangyari ito sa kabila ng kasalatan nila sa likas na kayamanan at sa kahinaan nila sa pagsasalita ng ingles.
Ano ba ang relevance ng kwento? Unang –una, ang pagkakaroon ng (tamang) kalidad ng produkto ay malaking dahilan upang ito ay magustuhan at maging katanggap-tanggap sa merkado at siyang magpapasigla sa negosyo at sa industriya. Pangalawa, ang pagpapalawak ng kalidad at ang benepisyong makukuha dito ay mapapabilis kung ang pagpupursige sa pagtuturo nito ay gagawing pangkalahatan.
Ang kaalamang ito ay hindi bago sa maraming kababayan natin, na ang karamihan marahil ay may mga matataas na pinagaralan at puwesto sa negosyo, industria at gobyerno. Ngunit bakit kaya sa nilapit-lapit natin sa bansang Hapon ay di man lang tayo nahawa kahit katiting sa grasyang tinatamasa nila. Hindi kaya, kung babalangkasin natin ang pinagdaanan nila ay maihahambing na pagkakamali din natin ang pagkakalimita lamang ng nasabing kaalaman sa mga may matataas na pinagaralan, puwesto sa negosyo, industria at gobyerno? Mukhang di natin napakinabangan ang kanilang natuklasang malaki ang pakinabang na maidudulot ng malawakang pagtuturo ng kalidad sa mga kapatas at trabahador.
Marami pa ang pwedeng masabi (at matanong) tungkol sa kalidad at sa kung ano ang ginawa na, kasalukuyang ginagawa at magagawa pa ng “bayan” upang ito ay mapairal. Tatalakayin ito sa mga susunod na lathalain.
No comments:
Post a Comment