03 June 2011
sl3.mekaniko@gmail.com
Gaya ng nailahad ko sa isa sa mga naunang lathain ko, ang Philippine Society of Mechanical Engineers (PSME), na kasalukuyang pinangungunahan ni Inhinyero Buddy Virata, ay nagdaos ng ika-sampung Mid-Year National Convention sa Boracay. Ito ay aking nadaluhan nito lamang nakaraang linggo.
Ang kumbensiyon na pinangunahan ni Inhinyero Ely Bagtasus at ng Panay Chapter ay matagumpay namang nairaos, at kung saan ay dinaluhan ng 472 delegado na nakapag-pasa’ ng mga resolusyon na ukol sa pagpapalawig ng organisasyon at ng propesyong Inhinyeriya Mekanikal. Ang mga resolusyong ito na sinang-ayunan ng general assembly ay siya namang ihaharap sa 59th Annual national Convention (na pangungunahan naman ni Inhinyero Rudy Sultan) upang maaprubahan naman ng inanasahang mahigit na 2,000 delegado sa darating na Oktubre.
Bagamat ang dahilan ng pagpunta ko sa Bora ay ang PSME, nais kong talakayin muna sa ngayon, bilang isang “self proclaimed avocate of quality”, ang ilang mga bagay na aking naobserbahan o naranasan na sa aking palagay ay may kinalaman sa kalidad, at dapat ay bigyan ng pansin.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon kong bumiyahe papuntang Bora. Dumating ako sa Domestic Airport ng 11:45nu at ako ay hindi na pinayagang sumakay sa aking eroplanong ZestAir na naka-iskedyul na umalis ng 12:10nh (dahil dapat daw ay di bababa ng 45 minuto bago takeoff ang check-in) – naiwan ako ng mga kasamahan ko. Nag-chance passenger na lang ako at nakakuha naman ng bagong ticket kaya nakasakay sa sumunod na flight na lumipad ng 1:30nh.
Pagkatapos ng may mga 1-1/2 oras na paglipad ng de-elesing eroplano, nakarating ako sa paliparan sa Kalibo na kung saan ay may naabutan akong limang mga inhinyero (galing din sa Luzon) at papunta din sa kumbensiyon. Nakasama ko silang nagbayad ng tig-tatatlong daang piso sa isang van na siyang nagdala sa amin sa pantalan sa Caticlan.Maganda ang van at maingat at magalang ang drayber. Maganda din ang kabuuan ng kalsada papuntang Caticlan; wala akong napansin na lubak at may mga maliwanag na guhit na puti sa gilid na isang mahalagang gabay para sa mga sasakyan lalo na sa gabi. Pero, kagaya ng karamihang kalye natin, tila lubos na kulang ang mga signage na malaki sanang tulong para sa mga nagbibiyahe.
Isa at kalahating oras ang tinakbo namin papuntang pantalan ng Caticlan. Naabutan ko dito ang ilan sa mga dapat kong kasabay sa unang eroplano at nasabi nilang na-delay sila ng 30 minuto kaya 12:40nh na sila nakalipad. Marami din daw ang bakanteng upuan sa flight nila. Ako ay nagtataka lamang na kung bakit ako ay binara sa check-in counter sa Maynila nang ako ay nakikiusap bandang 11:45nu. Parang kulang sa pag-pupursige ang tauhan ng airline na asistihan at pasayahin ang kustomer. Marahil, sobra-sobra na ang pasahero ng airline na iyon kaya wala nang pakialam o pag-pupursige ang pamunuan na turuan ang mga tauhan niya na mapasaya ang mga kliyente.Tila, sa pagkakataong ito, ay taliwas ang naipakita ng tauhan sa dapat na maging galaw ng isang gustong tumulong na mapaunlad ang kanyang pinagtatrabahuhan.
Malaki-laking bangka ang nasakyan naming patawid papuntang Bora. Kasya siguro hanggang 50 pasahero. Pasado ala-singko na ng hapon ng sumakay kami at medyo malalaki na ang alon. Bukod dito may bagyong Chedeng na kasalukuyang hamahampas sa bahaging Silangan ng bansa, kaya ang life vest ang kaagad kong hinanap, at mayroon naman. Marami nga ang nagsuot, kaya lang, mukhang bale wala din dahil sa pulos walang mga strap at malamang makaka-kalas din buhat sa katawan kapag nasa tubig na. Parang naging dekorasyon lang. Nakakapagtaka na naman dahil sa nagkalat ang mga taga Coast Guard sa pantalan. Di ba’t isa sa mga dapat na gawin nila ang isigurong mayroong mga tamang gamit pangligtas ang mga pasahero ng bangka? Salamat na lang at matiwasay kaming nakatawid.
Maayos naman ang kumbensiyon at maraming mahahalagang mga bagay na may kaugnayan sa enerhiya, pangkabuhayan, pangkaligtasan at inhinyerya mekanikal ang nailahad sa mga delegado. Isa na dito ang tungkol sa Geothermal Energy, na kung saan ay napag-alamang ang gamit nito ng Pilipinas ay 21.6% ng kabuoang gamit ng mundo, at pumapangalawa tayo sa Estados Unidos sa laki ng paggamit. Napag-alaman din buhat sa Phivolcs na ang bansa natin ay mayroong 300 bulkan; 26 dito ang potentially active at 23 naman ang tinatawag na active (o mga bulkan na pumutok o sumabog sa loob ng nakaraang sampung libong taon). Nasagi din ang tungkol sa BNPP at nasabing walang active fault na malapit dito, bagamat maaaring nasa ibabaw ng isang potentially active na bulkan.
Nakakatuwa din naman ang ibinahagi ni Ginoong Angel de Leon Jr, may-ari ng gusaling ginanapan ng kumbensiyon. Nagsalita siya tungkol sa entrpreneurship at isa sa nailahad niya ay kung paano niya napalago ang kanyang negosyo. Ayon sa kanya, nagsimula siya nuong 1985 na may 2.5 libong pisong kapital at dalawang tauhan, at sa ngayon ay nagkakahalaga na ang kanyang kumpanya ng may 3 bilyong piso, at mayroong 2,950 tauhan sa 160 sangay na nakakalat sa bansa.
Ang tagumpay na ito ni Ginoong De Leon ay tiyak na bunga ng kanyang angking kakayanan sa management at negosyo; ngunit ang isang maituturing kong higit na kahanga-hanga ay ang pagpapatupad niya ng isang patakaran sa lahat ng tauhan sa buong kumpanya. Ito ay ang sabay-sabay na pagdarasal ng isang oras at isinasagawa (na may suweldo) bago magsimula ng trabaho. Maglalakas loob akong magbigay ng aking palagay sa naging epekto ng gawaing ito sa kalidad ng pagkatao ng mga tauhan niya. Malamang na naging maka-diyos sila, at malamang na naging mabubuting tao na may malasakit sa kapwa at sa kumpanya.
Nakakatawag pansin din ang ipinakitang kalidad sa pagsayaw ng Hublog Ilongo, isang performing arts group na pinamumunoan ni Inhinyera Lemie Leonida ng Panay Chapter. Ang mga kabataang ito ang siyang nag-aliw sa mga delegado sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ibat-ibang mga sayawin (katutubo at moderno) sa loob ng mahigit-kumulang isang oras. Kapansin-pansin ang di-pangkaraniwang kalidad at ganda ng kanilang mga kasuotan, musika at pagsayaw. Ang mataas na kalibre ng kanilang synchronized na pag-indak at paggalaw, mabagal man o mabilis, na walang kahit na isang pagkakamali (na napansin) at ang kumpiyansang ipinamalas nila ay pwede lang na maging bunga ng matinding pagsasanay at natamong mataas na disiplina ng bawat isa sa mga kasapi ng Hublog Ilongo.
Sa kabila ng ito ang unang pagkakataon ko pa lang na nakarating sa Bora, di ako nagkaroon ng pagkakataong makita sa araw, at maranasan, ang kinikilalang pang-apat na pinaka-magandang aplaya (o beach) sa mundo. Nakapunta lamang ako sa D’Mall sa gabi at nakita lamang ang maputing bula sa ibabaw ng mga alon na sunod-sunod na humahampas sa dalampasigan. Dahil sa tuloy-tuloy na gawain sa kumbensiyon, sa ulan sa tabing dagat, sa halip na sa tubig-alat, ako nabasa’. Isang aral ang isinaisip ko para sa akin: maglaan ng panahon, lalo na kung ang kumbensiyon ay sa beach, upang maranasan naman ang mga di-pangkaraniwang mga bagay na maihahandog ng lugar na pinagdausan ng pagdiriwang.
Linggo nang maagang-maaga ng nagsimula kaming maghanda upang bumalik sa Maynila.Pasado alas-diyes pa lang ng dumating kami sa paliparan ng Kalibo buhat sa Caticlan. Van ulit ang nilulanan, na kung saan ay P75.00 na lang bawat isa ang pasahe - dahil sa puno ang sasakyan. Maaga-aga pa, kaya napagpasiyahan ng grupong kinabibilangan ko ang mananghalian muna dahil ang lipad namin ay 12:25nh. Nagpunta kami sa “Bogobo” isang di kalakihang kainan sa gilid ng paliparan, at dito ay napansin ko ang pagpupursigi ng mga nagsisilbe na magbigay ng de-kalidad na serbisyo. Unang-una, dinatnan naming nakangiti ang mga unipormadong sumalubong sa amin. Malinis at maayos ang mga mesang may mga nakahanda nang pinggan at kubyertos. Sariwa din ang hangin, marahil dahil sa tabi ng bukid. Pagkaupo pa lang namin ay may inilatag na kaagad na marami-raming patikim na ibat-ibang klase ng suman na gawa sa Kalibo. Masarap ang mga ito, katamtaman ang halaga at kawili-wili ang aleng nagtitinda kayat bumili lahat kami para pang-pasalubong. Maganda ang packaging dahil inilagay sa isang maliit na bayong na madaling bitbitin. Maraming putaheng Pilipino ang inorder naming kung kaya’t natagalan ng konti ang pagsilbi nila, ngunit masarap ang lahat ng luto nila (lalong-lalo na ang kare-kare).Ganado lahat kaming kumain habang halatang nakaabang naman ang mga tagasilbi upang tumugon kaagad sa mga kailangan namin. Dumaan ako sa palikuran ng “Bogobo” bago umalis at bagamat di maihahambing sa mga malalaking kainan na nasa Maynila, malinis at di maamoy, at halatang may pagpupursigi ang namamahala na panatiliing maayos ito. Nakakatiyak akong nasiyahan din ang mga kasamahan kong sila Ernie at Beth, Bernie at Jony (at anak nilang si Joana) at saka Jorge at Ren.
No comments:
Post a Comment