09 June 2011
Mekaniko (People's Journal, June 11 & 12 issues)
Ano nga ba ang kalidad? Ayon sa Webster’s New World Dictionary ito ay ang “degree of excellence which a thing possesses” o, kung aking isasalin ay, ang taas ng antas (o uri) ng angking galing ng isang bagay. At sa aking pananaw, kung mamarapatin na magdagdag ako, ang kalidad ay isang katangiang may ibat-ibang mukha, kabilang na dito ang kalidad ng buhay, kalidad ng mamamayan, kalidad ng pamunuan at kalidad ng namumuno.
Natuon ako sa temang ito dahil sa nama-mangha ako sa personal na batikos na inaabot ng ating pangulong Noynoy. Hindi naman sa hindi dapat batikusin. Naisip ko lang na baka hindi humantong sa pagbabagong hinahangad natin ang nangyayari (o pamamaraan na ito), dahil sa halip na magabayan siya sa misyon niyang iwasto ang bansa papunta sa “matuwid na daan”, ay lubos na manghina ang kanyang kakayahan at humantong sa di niya pagkatupad sa kanyang mga ipinangakong misyon.
Ngunit bago ako magpatuloy ay repasuhin muna natin ang ilan sa mga natatandaan kong ipinipintas sa kanya.Nandiyan yuong siya ay tinaguriang abno’, hindi na dapat mag-asawa, matigas ang ulo, mahilig maglaro ng electronic games, nagsisigarilyo, tanghali na daw kung magsimulang magtrabaho, bumili ng mamahaling kotse na Porche. Pinipintasan din siya dahil sa tila di nagkakasundung tatlong grupong siyang nangangasiwa ng kanyang komiyunikasyon, yung trahedya ng hostsage taking sa Luneta, yung smuggling dahil sa kapalpakan ng nangangasiwa sa Customs, ang espesyal na trato niya sa mga nasabing shooting buddies niya sa DILG at LTO, ang pagsuporta niya sa RH Bill, yung iskandalo sa pagpapatakbo ng Bilibid, yung pagbagsak ng kanyang net satisfaction rating sa +51% (buhat +64%), na siya ay “not in control”, at pati na kung bakit di siya nakitang nagikot man lamang sa mga iskwelahan ng magbukas ang mga klase, atbp.
Marahil ay di na bago sa karamihan ang mga nabanggit na pag-pupuna (o pagpipintas), at malamang na ang bawa’t isa sa atin ay may kanya-kanyang kuro-kuro o sariling pananaw tungkol sa mga ito - na positibo o negatibo - patungkol sa pangulo. Kung ano pa man ito ay nais kong idiin na wala kahit isa man sa madaming personal na puna o pintas sa pangulo ang may bahid ng kurapsiyon, pagbubulag-bulagan sa kurapsiyon ng tauhan o pagsasamantala sa katungkulan. Ang pinakamahalagang katangian niya na siyang nagdala sa kanya ng tagumpay noong nakaraang halalan – ang pagiging tapat niya at walang bahid ng kurapsiyon – ay hindi nabawasan kahit kaunti, at sa halip ay tuloy-tuloy na namamayagpag.
Di marahil masisisi na mabagalan at magkaroon ng alinlangan ang ilan sa kakayahan ng pangulo na maipatupad ang mga naipangakong pagbabago dahil sa matagal-tagal na nilang inaasam-asam at maaaring nagmamadali na silang makamtan ang pagasang iniatang sa kanya. Subalit sa isang panig naman ay di din marahil masisisi ang pangulo dahil sa dami, tindi at laki ng mga problemang kanyang hinaharap, na kung saan ay hindi kayang magawan ng pagwawasto sa loob lamang ng sampung buwan. Nasasabi ko ito dahil sa aking mga naging karanasan tungkol sa pagpapatupad ng pagbabago sa mga pabrika na kung saan ay kulang na kulang ang pataan na isang taon. Kung sa isang pabrika, na kakapiranggot lamang kung ihahambing sa isang bansa, ay kulang ang isang taon upang makapagpatupad ng hangaring pagbabago, ano pa kaya sa isang bayan na kagaya ng Pilipinas na ang salimuot ay lalong pinalalaki ng mahigit na pitong libong isla na nasasakupan nito.
Sa aking palagay ay mayroong dalawang pangunahing bagay na nagiging hadlang sa pangulo upang matagumpay niyang maisagawa ang pagbabagong nais niya. Ito ay ang “inertia” at kakulangan ng tamang “infrastructure”.
Ang “inertia” ay ang tendency ng isang bagay na magpatuloy na bumagtas sa kanyang kasalukuyang direksiyon hangga’t di ito nilihis ng isang puwersang galing sa labas. Habang lumalaki at bumibigat ang isang bagay na sumisibat ay lalong humihirap na pigilin o ilihis ito (dahil sa puwersa ng “inertia”), at kailangan ang pangtapat na mas-malaking puwersa upang maisagawa ang nais na pagpigil o paglihis. Ang culture of corruption and disvalues grown and hardened over the last decades ay ang “inertia”o puwersang kinokontra ng ating pangulo, at ito ay di kayang mapigilan sa isang iglap lamang. Kailangan munang pabagalin ang pagusad nito hanggang sa tumigil; at saka lamang magagawang maitulak ito pabalik.
Ang “infrastructure” naman ay ang mga “basikong elemento at gamit” na umiiral at kinakailangan upang matagumpay na maisagawa ang isang mithiin, na kagaya ng pagpapalis ng kultura ng kurapsiyon na namamayani ngayon sa sambayanan. Isa sa mga nabanggit na “basikong elemento at gamit” ang “matitinong mamamayan” na tutol sa kurapsiyon at handang lumantad upang labanan ito. Sa kasamaang-palad tila di pa sapat ang dami ng mga handang lumantad upang ayudahan at alalayan ang pangulo sa kanyang pagpupursigeng magtagumpay sa kanyang misyon. Sa kasamaang palad tila mas marami pa rin sa atin ang mga taong kaduda-duda at pang-personal lamang ang layunin, interes, o hangarin.
Sangayon akong mayroon din namang mga kapalpakan ang pangulo. Ngunit, sino ba naman ang walang kapalpakan. Di kaya dapat natin siyang bigyan ng malaki-laking pataan o pagsasaalang-alang kung dahil lang sa bigat ng kanyang sinasalungat; kung dahil lang sa nabanggit kaninang “puwersa ng inertia” na kanyang hinaharap at kawalan ng “infrastructure”na aayuda sa kanya?
Di ba’t matagal na nating inaasam-asam na magkaroon ng pangulong walang bahid ng kurapsiyon, tapat, at may “moral ascendancy”? Di ba’t si Pangulong Noy ang mayroong katangiang yuon kaya siya nahalal ng may pinakamalaking lamang sa kasaysayan ng halalan natin ng pangulo? Di ba’t siya na yuong ating hinihintay na maaaring magdala sa bayan ng pagbabago at kasaganaan? Di ba’t siya ay di lang dapat ayudahan, kundi dapat pating alagaan.
Sa palagay ko ay hindi masama ang bumatikos lalong lalo na kung ito ay nakatuon sa isang kamalian at ang layunin ng batikos ay itama ang mali. At sa ganang ito ay sangayon akong dapat lamang na mabatikos ang administrasyong Aquino kapag may mga kapalpakan o katiwaliang nangyayari. Yun lang, dapat ay patulong’ sa pangulo at di pasira’ ang layunin. Patulong’ kung babanatan at di tatantanan (hanggang sa maiwasto ang mali) ang mga tauhang pinagkatiwalaan niya ngunit umabuso at gumawa ng katiwalian . Pasira’ kung agad na ididiin ang Pangulo dahil sa kakulangan o katiwalian ng tauhang pinagkatiwalaan niya, at magiging sanhi pagkabawas ng paniniwala sa kanya ng taong bayan.
Sa ganang ito ay sana hindi lang batikos ang ibato sa Pangulo, at sa halip ay mailantad o mailahad din sa mamamayan ang mga maipagmamalaking nagawa ng kanyang administrasyon. Ilan sa mga ito ang sumusunod: ang paghahabol ng tax evaders, ang pag-rebidding ng overpriced projects ng DPWH na nakapagtamo ng 300 milyong pisong savings, ang $2.85B new investment at $2.5B new deals buhat sa Hapon, ang P2B suporta ng Australia para sa Basic Education Program, ang K+12 na programa, ang pagsuheto niya ng suweldo ng GOCC, ang $2.4Bnew US investments, atpb.
Naniniwala akong si Pangulong Noy ang siya pa ring diamanteng inilukluk natin nuong 2010 sa pagasang siya ang magtatahak sa atin sa “matuwid na daan”papunta sa kasaganaang inaasam para sa buong bansa.Harinawa’y tayong naglukluk sa kanya ay huwag magpadala sa mga naninira sa kanya, at sa halip ay patuloy pa ring manalig, umalalay at tumulong sa kanya upang magtagumpay siya.Lumantad tayo upang maramdaman niyang hindi siya nagiisa at ng sa gayon ay lumakas ang loob niya.
Sa aking pagmamasid sa Pangulong Noy, naniniwala akong siya ay may angking di-pangkaraniwang talino (hindi abno’), may sariling paninindigan (hindi matigas ang ulo), hindi mahilig sa pogi points (hindi mapapel kahit na may Porche), may direksiyon at may resulta ang trabaho (kahit na tanghali na daw kung magsimula), may mga katangiang makadiyos, tapat, may integridad, makatao at walang bahid ng korupsiyon. Sa akin siya ay isang de-kalidad na namumuno!
No comments:
Post a Comment