25 July 2011
Mekaniko
By Jaime T. Lopez, III
Ika 5:18 ng hapon nuong nakaraang araw ng Linggo nang makatanggap ako ng isang text buhat sa kaibigan kong si Eng’r Raul L. Belonio na inaabisuhan akong makinig sa programa sa radio ng maybahay niyang si Didi sa DWIZ, 882 AM .Tutugtog raw kasi ang rondalla duon ng isang piyesa na galing sa Moncada, Tarlac – ang La Jota Moncadenya. (alam ni Raul na ito and aking hometown, isang bayan sa Tarlac na mas namayani ang mga Ilokano dahil dito napapunta ang mga nag migrate mula sa Ilokos noong panahon ng mg Kastila, kabilang na ang aking mga ninuno. Ito ang aking dahilan kung bakit, bagamat taga-Tarlac, ay ikinukonsidera kong ako ay isang FBI, o Full Blooded Ilocano - nguni’t tila di ko makumbinse si G. Willie Baun).
Mabuti na lang at nakasimba na kami kung kaya’t nagkaroon naman ako ng panahong makinig na kasama ng aking maybahay na si Mel. Ang programa pala ay ang Serenata Kumbidahan na ibino-brokast ika-7 hanggang ika-8 n.g., tuwing araw ng Linggo, at kung saan ang layunin ay palaganapin at paramihin ang kaalaman at pagpapahalaga ng ating mga kababayan sa ating katutubo o taal na musika – at ng sa gayon, ito naman ay muling kalugdan. Karamihan sa mga tinutugtog o kinakanta ay mga kundiman.
Kagaya ng aking nabanggit na, ang host ng programa ay si Gng. Didi Belonio, anak ng yumaong batikan at walang katulad na personalidad sa radio na si Tiya Dely Magpayo. Si Didi naman ay inaalalayan ng kanyang co-host na si G. Vic Fandino na siya namang nagbuo ng Rondalla 89 sa PLM, ang rondallang pirmihang tumutugtog sa programa, at binubuo nila Prppesor Rey Francisco (banduria), Maestro Eddie Suarez (lead guitar), Michael Garcia (octavina), at Dominic Cruz (Baho).
Nuoong nakaraang araw ng Linggo, kabilang sa mga tinugtog ng rondalla ay ang mga sumssunod: “Jota Moncadenya”, “Pandango sa ilaw”, at “Jovencita”. Kumanta din ng “Sa mata makikita” si G. Fandino, at “Minamahal kita mutya” naman si Maestro Suarez.
Bagamat mayroong permanenteng rondalla, ang mga kumakanta ay kalimitang mga imbitabong batikang mang-aawit na kagaya nila Ms. Aretha Angcao, na umawit ng “Gaano kita kamahal”, at “Waray-waray”, at saka si Ms. Marly Pabaran, na umawit naman ng “Rosas pandan”, Nahan”, at “Usahay”. Ang isang sorpresa sa akin ay ng magpatugtug naman sila ng isag naisaplakang awitin ni Tiya Dely na may pamagat na “Underson”. Tila nuon ko lang narinig ang awitin, ngunit nakakatuwa dahil sa medyo nagpapatawa at ang tinatalakay ay ang pag-aander sa isang mister.
Malaki ang aking naging kaluguran sa pakikinig nuong nakaraang araw ng Linggo kung kaya’t, kahit medyo nahuli ako’y, nakining ulit ako kangina. Pawang mga pamilyar na tugtuging sariling atin pa ring ang mga tinugtug ng Rondalla 89, na kagaya ng mga sumusunod: “Leron-leron sinta”, “Sitsiritsit”, “Estetyantina”, Polka sa plasa”, at “Rocreo”. Ang mga kanta naman na inawit ni Ms. Miriam San Miguel ay ang “Bituing Marikit” at “Sa Kabukiran”. Tinugtog naman sa biyulin ni Ms. San Miguel ang “Lagi kitang naaalala” at “Pakiusap”. At muli, nagpatugtug sila ng naisaplakang awiting ni Tiya Dely na “Chiribiribin” at “Manalig ka”.
Sa aking pananaw, litaw dito sa mga musikang ito ang kakayanan ng Pinoy, nuon pa mang unang panahon, na lumikha ng mga tugtuging de kalidad at nakakaaliw, at ang mga ito’y dapat lamang palaganapin. Ang pagpapalaganap ng ating katutubong awitin ay isa ding mahalagang pamamaraan upang muling maidiin sa ating lahat, lalo na sa kabataan, na mayroon tayong likas na pinagmulan bilang isang lipi, at ang pagkilala nito at pagbibigay halaga dito ay isang mabisang paraan upang maibalik natin ng pangmalawakan ang pagiging makabayan.
Mabuhay ang DWIZ (882 AM), si Gng. Didi Belonio at G. Vic Fandino, at ang Serenata Kumbidahan! Tayo nang makining sa kanila tuwing Linggo, at sa pamamagitan ng de kalidad at tunay na musikang Pilipino ay sariwain natin at paigtingin ang ating pagpapahalaga sa ating lahi…at ang tunay na pagmamahal sa ating bayan.
No comments:
Post a Comment