Saturday, April 7, 2012

Kahalagahan ng isang supervisor #1

19 January 2012

Kamakailan lang ay may mga nakasalamuha akong mga namamahala ng isang pabrika - ang general manager at dalawa nitong bise-presidente. Sa harapang ito ay napag-usapan namin ang ilan sa mga hakbangin ng pamunuan tungkol sa paghahanda para sa mga darating na tatlo o limang taon. Ang isa dito ay ang paghahanda ng mga kailangang mga tauhan na siyang sasalo’ ng mga tungkuling maiiwanan ng mga nagsisipagretiro o na-promote ng mga tagapamahala. Sa dahilang ito ay ipinag-enroll nila (bilang isa sa mga hakbangin) ang dalawang tauhan sa isang unibersidad upang magkaroon pa ng pormal na edukasyon (at kaalaman) tungkol sa kanilang pangkasalukuyang katungkulan.
Sa puntong ito ay naibahagi ko sa kanila ang aking pananaw tungkol sa kahalagahan ng supervisor sa ikapagtatagumpay ng isang kumpanya, lalong-lalo na ang isang pabrika. Nabanggit ko na nakasalalay nang malaki ang tagumpay ng kumpanya sa kakayanan ng mga trabahador na tuparin nang maayos ang mga nakaatang na trabaho sa kanila, at ang supervisor ang siyang may katungkulang mamahala sa kanila upang makatupad sa kanilang mga tungkulin. At kung sino man ang namamahala ng direkta sa mga manggagawa ay siyang maituturing na katumbas ng supervisor, na kung minsan ay napapangalanan ng ibat-iba, depende sa kumpanya, kagaya ng group leader, leadman, foreman, team leader, shift in charge, office manager, atbp.
Kung ating susuriin ang kalagayan ng supervisor bilang bahagi ng pangasiwaan, o management, ito ay naiiba sa kadahilanang yung unang dalawang bahagi ng pangasiwaan (na top management at middle management) ay pawang nakikipag-ugnayan sa mga kapuwa taga-pangasiwaan, kung ito man ay sa nakakataas, o sa nasasakupan. Dahil, dito ay mas madali silang magkaintindihan.
Nguni’t ang supervisor, bagama’t taga-pangasiwaan ang nakakataas ay mga trabahador, o rank and file, naman ang kanilang nasasakupan. Dito masusubukan ang kanilang kakayahang mamuno dahil sa unang-una, ang pangunahin nilang tungkulin ay ang magpalabas o maghatid ng mga inaasahang resulta buhat sa kanyang mga tauhan. At bukod sa ma-teknikal na ang usapan, ay mas maraming din na di hamak ang kailangang pagpaliwanagan ng mga layunin, patakaran at alituntunin ng pangasiwaan. Dahil dito ay kailangang bigyan din ng matinding pagpahalaga ng pangasiwaan ang pagsasanay sa mga supervisor upang maging mabisa sila sa pagganap nila sa kanilang tungkulin.
At papano naman ang dapat na pamamaraan ng pagsasanay upang maging epektibo ang supervisor? Marahil ay dapat munang talakayin kung saan nanggagaling, o dapat na manggaling, ang mga supervisor, bago tunguhin ang pagsasanay.
Sa puntong ito ay maraming babasahin’ ang nagsasabing pinakamaige na manggaling sila sa hanay ng mga manggagawa o trabahador (o rank and file), at ang pipiliin ay kung sino ang may mataas na kaalamang teknikal tungkol sa trabahong sasakupin. Bukod dito ay dapat din na maganda ang record sa trabaho. Mayroon din namang nagsasabing maganda din na ang karanasan nilang pagpili at paghimok ng mga opisyal ng union na nakatalaga sa trabahong sasakupin dahil sa subok na ang kakayanan ng mga ito na mamuno, at di na mahihirapang magpasunod sa magiging mga tauhan. At kung sakaling walang makuhang may kakayahan sa loob ng organisasyon ay saka pa lang dapat na tumingin ng aplikante na manggagaling sa labas.
Sa ganang akin, ang kailangang kakayanan ng isang supervisor, na siyang magiging batayan ng pagsasanay niya ay nakapaloob sa tatlong bahagi: kaalaman tungkol sa trabahong sasakupin (job knowledge), kakayahan sa pakikipag kapwa-tao (bevioral skills), at kakayahang mag-isip na parang pangasiwaan (management mindedness).
Ang detalye tungkol sa tatlong paksang ito ay tatalakayin ko sa mga susunod na mga artikulo ko sa ilalim ng pangkalahatang pamagat na “Kahalagahan ng isang supervisor”.
Kung mayroon mang nagnanais na magpadala ng katanungan tungkol sa mga nakasulat ay mangyari lang na magpadala sa aking email na sl3.mekaniko@gmail.com o sa aking webpage na http://www.facebook.com/#!/jtl3mekaniko .

No comments:

Post a Comment