Saturday, April 7, 2012

Kahalagahan ng isang supervisor #4

22 March 2012

Natalakay na sa mga naunang bahagi ng artikulong ito ang dalawa sa tatlong paksang kung saan ay dapat nakatutok at naididiin ang pagsasanay, o training, ng isang supervisor, upang ang kakayahan niyang mangasiwa ay mapatibay at mapabisa. Ang mga ito ay ang kaalaman sa trabahong sasakupin (job knowledge) at kakayahan sa pakikipagkapwa-tao (behavioral skills). Sa bahaging ito ngayon ay tatalakayin naman natin ang pangatlong paksa; ang kakayahang mag-isip na parang pangasiwaaan (management-mindedness).
Ang pag-iisip at paggalaw na parang isang ganap na nangangasiwa ay maipapahiwatig sa pamamagitan ng mga sumusunod na pamamaraan:
Una, ay ang pagtanto, pagtarok at pagsasapuso ng ‘bisor sa mga pilosopiya (philosophy), patakaran (policies) at pamamaraan (procedures) ng kumpanyang kanyang kinabibilangan. Mahalagang ang kaalaman o kasanayan niya tungkol sa mga nabanggit ay kasintindi ng kaalaman o kasanayan niya tungkol sa mga pamantayan (standards) o kota (quota ) sa kanyang trabaho. Sa pamamagitan nito ay lubos na tataas ang kakayanan niyang maipaliwanag sa kanyang mga tauhan ang mga layunin (o hangarin) ng kumpanya, at kung paano naman magkaagapay ang hangarin ng kumpanya at ang kani-kanilang mga sariling hangarin. Mahalaga na mapalakas ang kakayanang ito dahil, kagaya ng nabanggit na sa nakaraang unang bahagi ng artikulong ito, ay sa kamay ng mga ‘bisor nakasalalay ang pagpapalabas ng resulta na inaasahan buhat sa mga trabahador (na kanyang mga tauhan). At, malaki naman ang kinalaman ng matagumpay na pagpapalabas ng inaasahang resulta sa pangkalahatang tagumpay sa negosyo ng kumpanya.
Pangalawa, ay ang pagkakaroon ng ‘bisor ng ugaling patuloy na mapabuti pa at madagdagan ang pansariling kaalaman, kakayahan at pananaw tungkol sa mga bagay-bagay (self-improvement), lalung –lalo na ang mga bagay na may kinalaman sa trabaho, at pati na ang pakikitungo sa mga tao. Isang mabisang pamamaraan ng pamumuno ang pagpapakita ng sarili bilang halimbawa kung kaya malamang na tularan ng kanyang mga tauhan ang ‘bisor sa makikita nilang pagpupursige nitong mapaigting at mapalawak pa ang sariling kakayanan. Kapag nangyari ito ay magiging isang malaking kahalagahan para sa kumpanya. May mga hamon, banta, hadlang at kabigatang hinaharap sa pakikipag-kompetensiya sa negosyo na dapat na pagpahalagahan ng ‘bisor, at dapat din siyang makiisa sa pagpupunyagi upang manaig at magtagumpay ang kumpanya. Isang pamamaraan nga dito ang tuloy-tuloy na pagpupursige upang lalo pang mapaige ang kalidad ng produktung ginagawa at serbisyong ibinibigay niya, at saka ng kanyang mga tauhan. Dagdag na din dito ang ginagawang kusang pagpapalawig ng sariling kakayahan na magdadagdag di lang ng kanyang halaga sa kumpanya, kundi pati na rin sa kakayanan ng kumpanyang makipagtagisan at manaig sa negosyo.
At kung mayroon mang nagnanais na magpadala ng katanungan tungkol sa mga nakasulat ay mangyari lang na magpadala sa aking email na sl3.mekaniko@gmail.com o sa aking webpage na http://www.facebook/jtl3mekaniko.

No comments:

Post a Comment