Saturday, April 7, 2012

Kahalagahan ng isang supervisor #3

2 February 2012
Nuong nakaraan ay natalakay ko ang kahalagahan ng pagsasanay sa mga supervisor, upang maging mabisa sila sa pang-una nilang tungkulin na maipatupad nila sa kanilang mga tauhan ang nakaatang na mga gawain nila - kung ito man ay ang pagbubuo ng isang produkto, paggawa ng gawaing pang-upisina, o pagbibigay ng isang serbisyo.
Nabanggit ko din na, sa ganang akin, ang pagsasanay sa mga supervisor ay dapat na itutok sa mga sumusunod na tatlong paksa. Una, kaalaman tungkol sa trabahong sakop (job knowledge), na kung saan ay nasasaklaw ang kakayahang teknikal tungkol sa trabaho (technical skills), kaalaman tungkol sa mga pamamaraan sa pagpapatakbo ng trabaho (familiarity with operational aspect of the work), at ang kaalaman at kakayanan sa pangangasiwa, o pamamahala (administrative and management skills). Pangalawa, ang kakayahang makipagkapwa-tao (behavioural skills), na siyang nakatakda nating talakayin ngayon. At pangatlo, ang kakayahang mag-isip na parang pangasiwaan (management mindedness).
Ang pagkakaroon ng isang malawak na kakayanang makipagkapwa-tao ng isang ‘bisor ay magbubunga ng isang malusog na pagkakaugnay niya sa kanyang mga tauhan. At ang ganitong malugod na lagay ng isang samahan ay makakapagpadali sa pag-papasang-ayon sa mga tauhan na makipagtulungan upang ang mga minimithing layunin o hangarin ng organisasyon ay matamo.
Marami nang pag-aaral ang nagawa tungkol sa kung anu-ano ang kinakailangan sa pakikipag-kapwa-tao, at may nagsabi na makikita ang kakayanang ito sa pamamaraang ginagamit mo sa pakikitungo sa iba; at pati na din sa kung paano naman ang pagtanggap mo sa pakikitungo nila sa iyo. Ito ay makikita sa kung paano ka makipag-usap, makinig, magtanong, mag-utos, mag-ganyak, makiusap, magbigay ng tulong, magbigay ng papuri, magdesisyon, atbp. Makikita din ito sa kung paano ang pagtanggap mo sa dumarating na reklamo, sa paghingi mo ng paumanhin, makipag-usap sa isang galit, trato sa pagkabigo, pagpapasalamat, pagtitimpi, pangangalap ng impormasyon, pagtrato sa problema, atbp.
Napatunayan na din ng marami na ang maayos na pakikipagkapwa-tao ay isang mabisang paraan upang mapasigla ang communication sa isang grupo o organisasyon. Malaki din ang maitutulong nito upang mapataas ang pagpapahalaga sa sarili (self-esteem) at kasiglahan (morale) ng samahan. Mapapasibol at mapapayabong din nito ang pagtutulungan ng magkakasama (teamwork) na siyang isang sagot sa pagpapataas ng productivity -  isa sa pinakamahalagang sangkap para sa pagtatagumpay ng isang organisasyon.
Ang tunay at tapat na pakikipagkapwa-tao, higit sa lahat, ay katambal ng mabisang pamumuno. At ang ‘bisor na may mataas nang kaalaman sa kanyang trabahong sakop, at nakikitaan ng kanyang mga tauhan ng tunay at tapat na pakikipagkapwa-tao, ay di malayong tanghaling isang kagalang-galang at pinag-pipitagang puno, na siyang pagsisibulan ng isang matibay at mabisang pamunuan.
Ngunit ano nga ba ang mabisang pamumuno, o effective leadership ng isang ‘bisor? Ito ay hindi ang pagiging popular dahil sa kinukunsinte ang mga tauhan, o sa pagiging mapagpalayaw. Hindi din ito maipapakita sa pamamaraang pagiging mabagsik, o kinatatakutan upang mapasunod ang mga tauhan.
Sa halip, ang mabisang pamumuno ay maipapakita sa pamamagitan ng tunay na makataong trato sa mga tauhan, at di parang kasangkapan lang; pagpapakita ng pantay na pagpapairal ng disiplina at pagmamalasakit sa kapakanan at karapatan nila; pagkilala sa halaga nila sa ikapagtatagumpay ng organisasyon; tuloy-tuloy na pagpapaliwanag sa kanila tungkol sa mga hangarin at panuntunan ng orgnisasyon; patuloy na pagpapataas ng kanilang kaalaman at kakayanan, at pagbibigay ng kanilang kailangang kagamitan upang matagumpay na magampanan nila ang kanilang nakatakdang gawain; pagpapakita ng patas na trato sa lahat; pagtutuwid ng mga kamalian, at pagdadagdag sa mga kakulangang karunungan; pagpapakita ng ‘bisor ng kanyang sarili bilang isang halimbawa ng isang responsible at kapaki-pakinabang na empleyado.
Ang pagkakaroon ng isang mabisang pamumuno (na kung saan ay nakadiin ang pagpapairal ng dalisay na pakikipagkapwa-tao) ang siyang kailangan upang maganyak ang mga tauhan na makipagtulungan, at magpakasigasig, para sa ikapagtatagumpay ang organisasyon. Lalong magiging epektibo ang pamamaraan na ito kung sadyang ibinabahagi sa mga tauhan ang mga layunin ng organisasyon, at ipinapaliwanag sa kanila ang tungkol sa kahalagahan nito pagdating sa kapakanan nila - at ng organisasyon. At kaagapay nito, ay ang pagbibigay din sa kanila nang kakayahang tumukoy ng mga hangaring kung saan ay magiging kapakipakinabang sa organisasyon at sa kanila, at sa pagpapatupad ng mga hanqaring tinukoy, sa pamamagitan ng paggamit nila ang kanilang angking kasanayan at talino (empowerment).
Ang paksang susunod na tatalakayin ng artikulo sa ilalim ng pangkalahatang pamagat na “Kahalagahan ng isang supervisor” ay ang kakayahang mag-isip na parang pangasiwaan (management mindedness). At kung mayroon mang nagnanais na magpadala ng katanungan tungkol sa mga nakasulat ay mangyari lang na magpadala sa aking email na sl3.mekaniko@gmail.com o sa aking webpage na http://www.facebook/jtl3mekaniko.

No comments:

Post a Comment