Thursday, August 11, 2011

Ayuda kay Pinoy!

08 August 2011
Mekaniko
By Jaime T. Lopez, III

Hay naku! Nakakahilo ang di lang limampung mga artikulong nabasa ko tungkol sa SONA ni Pinoy sa dami ng anggulong tinutumbok, kapwa positibo at negatibo. Ang mga artikulong ito ay galing sa mga aral at batikang mga personalidad na kung saan, bagama’t di kinakailangang sang-ayunan, ay nararapat lang na iginagalang ang kani-kanilang mga pananaw. Mabuti rin sigurong suriin ang mga punto nila at pulutin ang mga sensible o mahahalagang bagay na maaaring makapagpatayog sa programang iniaakma ng tatlong sangay ng pangkasalukuyang pamahalaan para sa pagpapaunlad ng bayan.
Subali’t, sa kabila nito, sa ganang akin, ang dapat na tunay na mamayani ay ang pananaw ng nakararaming ordinaryong taong bayan na kung saan ay naipakita sa survey ng TV Patrol, pagkatapos na pagkatapos ng SONA ng Pangulo. Sa survey na ito, sa aking pagkakatanda, ay nasiyahan ang 87% ng mga respondents sa mga binigkas ng Pangulo sa kanyang talumpati.
Kabilang sa mga natalakay niya ang tungkol sa isinasagawang patuloy na pagtugis na sa mga korap at nagsasamantala sa kaban ng bayan (mga kaso as DPWH,Pagcor, PNP, atbp);  ang mga naisakatuparang positibong pagbabago sa ekonomiya (kagaya ng pagtaas ng credit ratings ng bansa na nakapagpababa ng interes sa ating mga inuutang – at nakatipid na nga tayo ng P23B mula Enero-Abril 2011); ang pagdidiin ng posisyon ng bansa tungkol sa pambasang dangal na kung saan di tayo magpapadaan sa sindak (tungkol sa Spratleys) at ang paghahain ng kaso tungkol dito sa UN Council on Law of the Sea ; ang pagkakatanggal natin sa Tier2 Watchlist ng Trafficking in Person Report ng US na nagsiguro ng ating pagkuha ng mga grant sa Millenium Challenge Corporation.
Dagdag pang mga tinalakay ang pagpupursiging mapababa ang unemployment rate sa 7.2% (buhat 8%) sa loob ng nakaraang 12 buwan na kung saan ay 1.4 milyun na trabaho ang nalikha; ang pagtalakay sa mga pangangailangan ng ating mga kapulisan at kasundaluhan (sa pamamagitan ng programang pagbibigay sa kanila ng murang pabahay); ang pagtalakay sa pangangailangan ng ating mga kababayan na kasalukuyang nakasadlak sa kahirapan sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program; ang pagsusuheto sa sobra-sobrang suweldo ng mga nangangasiwa ng mga Government Owned and Controlled Corporation o GOCC; ang kasalukuyang tagumpay sa agrikultura, lalo na ang tungkol sa bigas; at marami pang iba, na kung saan ay ikinalugod ng karamihan ng ating mga mamamayan.
Pulos mahalaga ang mga nabanggit na, ngunit sa aking pananaw ay higit na mahalaga ang idinidiin ni P-Noy tungkol sa pagwawaksi natin bilang isang lipunan ang tinagurian niyang “utak wang-wang” na siya marahil ang ugat ng namamayaning kultura ng korapsiyon. Ngunit sandali lang... papaano natin magagawang maiwaksi ito? Hindi ito kayang isakatuparan ng Pangulo lamang, at kahit na samahan pa siya ng kanyang kabinete, Senado, Kongreso at Korte Suprema. Pero, pwedeng mangyayari ito kung aayudahan siya ng sambayanan!
Ang tanong muli ay...papaano makakaayuda ang sambayanan?
Tayo, ang sambayanan, ay makakaayuda kung unang-una, ay kikilalanin natin na ang “utak wang-wang” ay nasasaatin din, at ito ang una nating iwawaksi. Kasi, paano natin magagawang pintasan at sitahin ang “utak wang-wang” ng iba kung tayo mismo ay mayroon ding ganuong kapintasan.
Ano nga ba ang mga “utak wang-wang” na nasa atin na mga mamamayan? Marahil ay yuong di pagsunod sa mga simpleng patakaran na kagaya ng pagtigil sa stop light kung pula, pag-counterflow kung matrapik, pagpasok sa kalyeng may “Do not enter”, pagsuhol o pagbibigay ng kotong kung nahuhuli, pagtatapon kahit mayroong karatulang “No Littering” o “Bawal Magtapon ng Basura” (at kung minsan ay sa harapan pa nito magtatapon). Kasama din ang mga simpleng  mga gawain na kagaya ng di pagbibigayan at paggigitgitan kung matrapik, pagiging masaya kung nakakaisa, pag-aagawan at pag-uunahan sa pagsakay sa sasakyan, pagkawala ng konsiderasyon para sa iba,atbp.
Kung babalikan natin ang nakaraaang taon, bakit napalis ang wang-wang sa kalye? Dahil sa ang Pangulo mismo ang kusang loob na nagpasimula nito, at dahil sa pagpapakita niya ng halimbawang ito ay sumunod ang mga mamamayan. At ang mga mamamayan na din ang tumulong sa pagpapatupad (naalala ko pa ang mga sunod-sunod na pag-rereport, pagsisita, at kung minsan ay pagbubugbog nila sa mga di sumusunod sa halimbawang  ipinakita ng Pangulo). Itong pagpapakita ng halimbawa ni P-Noy ang dapat nating sundan upang magkaroon tayo ng “K” – at makaayuda.
Naaalaala ko ang isang kasabihang tumutukoy ng ganito: “Kung gusto mong baguhin ang pamahalaan, baguhin mo ang mga tao, nguni’t kung gusto mong baguhinn ang lipunan, baguhin mo ang pagiisip ng mga tao”.
Ang basa kong pangunahing puntirya ng Pangulo ay ang mapagbago ang isip nating mga mamamayan. Kagaya ng naipamalas niya tungkol sa wang-wang sa kalye, ay puwedeng maipairal ang pagpapalis ng isang bagay kahit na ito’y talamak at matagal nang namamayani. Matagumpay nating naayudahan nuon si Pinoy. Ayudahan muli natin siya dito sa malawakang pagsisikap upang tulong-tulong tayong magtagumpay sa pagsugpo ng “utak wang-wang”.

De kalidad na musikang Pinoy! (2)

01 August 2011
Mekaniko
By Jaime T. Lopez, III


Nuong isang Lunes, July 18, ay nasuwertehan kong maisama si Eddie Salvador, isang pinsang taga San Francisco, ang aking maybahay na si Mel, at anak na si Jim, sa isang pagtatanghal o performance ng Asosasyon ng Musikong Pilipino (AMP) Big Band. Nasabi kong suwerte dahil sa ang pagtatanghal ay isang pribadong benefit show at produksiyon ng UST Artlets Batch ’88 (para sa benepisyo ng UST Artlets Alumni Asssociation Scholarship Program) na pinamagatang “Isay Alvarez swings out”. Nagkataon lang kasi na kaibigan ko si Skarlet Brown, ang may-ari ng Skarlet’s Jazz Kitchen (dating Ten02) na kung saan ay duon ginanap ang palabas at siya ang nagturo sa amin ng paraan upang kami ay mapayagang lumahok.
Dahil nga sa pribado ang event ay kinailangan makiusap kami sa mga namamahalang taga UST Artlets (na sina Isay Alvarez at ang kanyang kabiyak na si Robert Sena) at pinayagan naman kaming dumalo, pero duon na lamang sa pangalawa, at huling, araw ng pagtatanghal.
Tuwang –tuwa at napapaindak sa saya ang aming pinsan sa naipakitang galing sa pagtugtog ng AMP Big-band na pinamumunuan ng batikang musical arranger na si Mel Villena.
Nang gabing yun, ang banda ay kinabibilangan ng mga sumusunod na musiko: 5 sa  Saxophone (1 barritone, 2 tenor, at 2 alto), 4 sa Trombone, 4 sa Trumpeta, 1 sa contra bass, 1 sa gitara, 1 sa drum set, 1 sa keyboard/piano, at 1 pa para sa conga drums. Labing siyam sila lahat, kasama ang tagakumpas.
Nagsimula ang unang yugto ng palabas ng mga pasado alas otso na ng gabi sa pamamagitan ng pagtugtog ng AMP Big Band ng “How high the moon (Hamilton & Lewis)” overture na areglo ni Mel Villena. Sunod-sunod na ding tinugtog ang “A few good Men “ at  “April in Paris” na kung saan nagpakitang gilas sa pagsosolo sa piano si Joey Quirino, sa trumpeta si Vierchi Gonzaga, at sa alto sax naman si Tots Tolentino. Ang nakakaaliw ay mga OPM na tugtuging kinatha para sa banda na gaya ng “Tribute” na gawa in Ronnie Marqueses na kung saan ay nagpakita naman ng pagka-batikan sina Nestor Gonzago sa trumpeta at si Mike Guevarra sa tenor sax. Isa pa ring OPM na tugtuging banda na katha naman ni John Palacio, ang “If it feels good, it’s got to be a sin”ang tinugtog at dito din ay nagpakita muli ng galing sa sax si Tots Tolentino, at sa trumpeta naman , si Jorge Abundo.
 Ang pangalawang yugto ay pawang kanta ni Isay Alvarez, na kung natatandaan natin ay siyang naging star sa Miss Saigon Production dito sa Pilipinas. Kasama din siya sa tropang pumunta sa London nuong 1989 na kasama ni Lea Salonga upang gumanap na Gigi sa orihinal na produksiyon duon ng Miss Saigon. Dahil dito ay may 4 na taon din siyang namalagi sa Europa.
Mataginting at buong-buo ang boses, at napakaganda ang pag-awit ni Isay , na lalong napaigting ng  napakagaling ding pagsaliw ng AMP Big Band, kung kaya’t sadyang humanga ulit ang kano’ naming pinsan - di niya mapigilang pasigaw niyang sinabi sa aking “…that’s a singer…” habang nakikinig. Nagsimula sa mga awiting banyaga na kagaya ng “Moonlight Serenade”, “Our love is here to stay”, “Someone to watch over me”, “Cheek to cheek”, “Fever”, “Smile”, at “Come fly to the moon medley” (kasama si Robert Sena) na kung saan ay naipinamalas ni Isay ang kanyang galing. Nguni’t mas nakalulugod sa akin ang mga inawit niyang mga OPM na kagaya ng “No money, no honey” na isang tribute kay Sylvia la Torre, “Mahal na mahal kita”, “Balut”, “Hahabol-habol”, “Galawgaw”, at ang “Kung ayaw mo na sa akin” ni Gary Granada.
Natapos ang palabas ng mga pasado alas-diyes na ng gabi at umalis kami sa pinagdausang lugar na masaya, kontento at may muling dagdag na paghanga sa kakayahan ng musikong pinoy na ‘di lang magsagawa ng de-kalidad na musika, kundi  sa pagkatha din nito.
Sa Skarlet’s Jazz Kitchen regular na idinadaos ng AMP Big Band ang kanilang performance at ito ay kalimitang ginagawa ng lunes ng gabi. Ang mga miyembro ng banda ay pawang mga aral sa musika, at karamihan sa kanila ay kilalang mga batikan sa kanilang mga instrumentong hinahawakan. Ang may-ari naman ng lugar, na si Skarlet (ang “…new voice of Pinoy Jazz”), ay isa ring batikang Jazz singer, at siyang regular na mang-aawit ng AMP Big Band. Ang SJK ay ang dating Ten02 at matatagpuan sa #1002 Scout Ybardolosa, QC. Para sa mga may katanungan, maaaring matawagan ang SJK sa Cell # 09163624596.

Thursday, July 28, 2011

De kalidad na musikang Pinoy! (1)

25 July 2011
Mekaniko
By Jaime T. Lopez, III

 
Ika 5:18 ng hapon nuong nakaraang araw ng Linggo nang makatanggap ako ng isang text buhat sa kaibigan kong si Eng’r Raul L. Belonio na inaabisuhan akong makinig sa programa sa radio ng maybahay niyang si Didi sa DWIZ,  882 AM .Tutugtog raw kasi ang rondalla duon ng isang piyesa na galing sa Moncada, Tarlac – ang La Jota Moncadenya. (alam ni Raul na ito and aking hometown, isang bayan sa Tarlac na mas namayani ang mga Ilokano dahil dito napapunta ang mga nag migrate mula sa Ilokos noong panahon ng mg Kastila, kabilang na ang aking mga ninuno. Ito ang aking dahilan kung bakit, bagamat taga-Tarlac, ay ikinukonsidera kong ako ay isang FBI, o Full Blooded Ilocano - nguni’t tila di ko makumbinse si G. Willie Baun).
Mabuti na lang at nakasimba na kami kung kaya’t nagkaroon naman ako ng panahong makinig na kasama ng aking maybahay na si Mel. Ang programa pala ay ang Serenata Kumbidahan na ibino-brokast ika-7 hanggang ika-8 n.g., tuwing araw ng Linggo, at kung saan ang layunin ay palaganapin at paramihin ang kaalaman at pagpapahalaga ng ating mga kababayan sa ating katutubo o taal na musika – at ng sa gayon, ito naman ay muling kalugdan. Karamihan sa mga tinutugtog o kinakanta ay mga kundiman.
Kagaya ng aking nabanggit na, ang host ng programa ay si Gng. Didi Belonio, anak ng yumaong  batikan at walang katulad na  personalidad sa radio na si Tiya Dely Magpayo. Si Didi naman ay inaalalayan ng kanyang co-host na si G. Vic Fandino na siya namang nagbuo ng Rondalla 89 sa PLM, ang rondallang pirmihang tumutugtog sa programa, at binubuo nila Prppesor Rey Francisco (banduria), Maestro Eddie Suarez (lead guitar), Michael Garcia (octavina), at Dominic Cruz (Baho).
Nuoong nakaraang araw ng Linggo, kabilang sa mga tinugtog ng rondalla ay ang mga sumssunod: “Jota Moncadenya”, “Pandango sa ilaw”, at “Jovencita”. Kumanta din ng “Sa mata makikita” si G. Fandino, at “Minamahal kita mutya” naman si Maestro Suarez.
Bagamat mayroong permanenteng rondalla, ang mga kumakanta ay kalimitang mga imbitabong batikang mang-aawit na kagaya nila Ms. Aretha Angcao, na umawit ng “Gaano kita kamahal”, at “Waray-waray”, at saka si Ms. Marly Pabaran, na umawit naman ng “Rosas pandan”, Nahan”, at “Usahay”.  Ang isang sorpresa sa akin ay ng magpatugtug naman sila ng isag naisaplakang awitin ni Tiya Dely na may pamagat na “Underson”. Tila nuon ko lang narinig ang awitin, ngunit nakakatuwa dahil sa medyo nagpapatawa at ang tinatalakay ay ang pag-aander sa isang mister.
Malaki ang aking naging kaluguran sa pakikinig nuong nakaraang araw ng Linggo kung kaya’t, kahit medyo nahuli ako’y, nakining ulit ako kangina. Pawang mga pamilyar na tugtuging sariling atin pa ring ang mga tinugtug ng Rondalla 89, na kagaya ng mga sumusunod: “Leron-leron sinta”, “Sitsiritsit”, “Estetyantina”, Polka sa plasa”, at “Rocreo”. Ang mga kanta naman na inawit ni Ms. Miriam San Miguel ay ang “Bituing Marikit” at “Sa Kabukiran”. Tinugtog naman sa biyulin ni Ms. San Miguel ang “Lagi kitang naaalala” at “Pakiusap”.  At muli, nagpatugtug sila ng naisaplakang awiting ni Tiya Dely na “Chiribiribin” at “Manalig ka”.
Sa aking pananaw, litaw dito sa mga musikang ito ang kakayanan ng Pinoy, nuon pa mang unang panahon, na lumikha ng mga tugtuging de kalidad at nakakaaliw, at ang mga ito’y dapat lamang palaganapin.  Ang pagpapalaganap ng ating katutubong awitin ay isa ding mahalagang pamamaraan upang muling maidiin sa ating lahat, lalo na sa kabataan, na mayroon tayong likas na pinagmulan bilang isang lipi, at ang pagkilala nito at pagbibigay halaga dito ay isang mabisang paraan upang maibalik natin ng pangmalawakan ang pagiging makabayan.
Mabuhay ang DWIZ (882 AM), si Gng.  Didi Belonio at G. Vic Fandino, at ang Serenata Kumbidahan! Tayo nang makining sa kanila tuwing Linggo, at sa pamamagitan ng de kalidad at tunay na musikang Pilipino ay sariwain natin at paigtingin  ang ating pagpapahalaga sa ating lahi…at ang tunay na pagmamahal sa ating bayan.

Kunsumisyon sa trapik!


18 July 2011
Mekaniko
By Jaime T. Lopez, III

Marahil walang pinoy na nanirahan o naglakbay sa Kalakhang Maynila ang di nabuwisit o nainis man lang sa abala o perhuwisiyong idinidulot ng tapik sa kanila. Lumang tugtugin na ang nakababanas na isyong ito at marahil ay nagkikibit-balikat na lang ang karamihan. Nguni’t dapat nga kayang maging ganito na lang ang ating reaksiyon o pagtalakay sa isyung ito?
Natuon dito ang aking pansin dahil sa aking napagdaanan nuong nakaraang Huwebes, Hulyo 14. Umalis ako ng 4:00 nh buhat sa isang miting Sta Mesa Heights sa Maynila upang tumungo naman sa isang restauran sa Magallanes sa Makati upang dumalo naman sa isa pang miting na nakatakda ng 5:00 nh ng isang samahang pinamumunuan ko. Habang bumabaybay ako sa Espanya papuntang Forbes ay naalaala ko ang pagkukumpuning ginagawa sa flyover ng Buendia at Osmena Avenue. Dahil dito ay napagpasiyahan kong  lumiko na lang na pakaliwa sa Inviernes pgkababa ko ng tulay ng Nagtahan upang umiwas sa trapik. Ang laking pagsisisi ko ng masagupa ko ang di-inaasahang di-hamak na mas matinding trapik. Ang resulta, passado 6:30 ng na ako nakarating sa aking pupuntahan, at isang kasamahan na lang ang nagtiyagang maghintay sa akin.
Habang binubuno ka ang trapik ay muli kong napagtanto ang tindi ng problema ng bayan tungkol sa di-natin paggalang sa karapatan ng, at pakikitungo sa, bawa’t isa – at pati na rin sa tila kakulangan sa pagiging pro-active at sa planning ng mga LGU, mga ahensiya ng gobyerno at mga nangongontrata. Kagaya ng aking naipahiwatig na pananaw sa aking mga nakaraang lathain, kailangang ang pagbabago ay di lang magmumula at iaasa sa pamunuan, kundi, higit sa lahat, dapat din na pasimulan at pagpursigihan ito ng pamayanan.
Ayon sa aking nasaksihan, bagama’t marami ang dahilan ng pagkakabuhol-buhol ng trapik ay, ang isang malaking pinanggalingan ay ang pagkawalang disiplina at kawalan ng paggalang sa karapatan ng bawa’t isa ang mga drayber ng mga sasakyan. Akalain mo, young Inviernes na dapat ay salubungan lang ng dalawang sasakyan ay pinipilit na nag-uunahan at sinisiksikan ng tatlo o apat na sasakyan. (Naku, at lalong matindi sa kanto na kung saan naroon ang baundery ng Maynila at Makati). Kaya’t natural na magkakabuhol-buhol ang trapik, at bukod dito, ay may nagkakasabitan pa.
Ang lahi natin ay hindi estupido, dahil subok na - at uulitin ko, subok na ang kakayahan (o deskarte) at kagalingan ng ating kaisipan na hinahangaan ng maraming banyagang bansa. Nguni’t bakit kaya hindi ito ang ipinapakita ng nasaksihan ko sa trapik. Hindi din ako naniniwalang mga latak na lang ang natitira dito sa bansa – na di kayang matanto kung ang galaw niya ay tama o mali; o, kung makakasama o makakabuti.
Lalong nadagdagan ang aking pagkasiphayo (frustration) ng mamasid ko ang mga pasahero ng mga saskyan, lalong lalo na ang mg pasahero ng mga diyip. Tila nakatanga na lang at nakatunganga – tila walang pakialam. Dito sa mga ganitong pagkakataon maaaring ipakita ng mga mamamayan ang kanilang kakayanang tumulong upang ipairal ang pagbabago. Pwede nilang hadlangan o pag- sabihan ang kanilang mga tsuper na huwag isagawa ang mga maniubrang makakapagpasahol ng trapik. Muli, naniniwala akong kung may mga maglalakas loob na mga pasaherong mamamayan na ipaalala sa mga tsuper na itama ang asal nila sa pagmamaneho, sila ay may kakayahang tatalima. Dapat sigurong kilalanin natin na ang kaayusang gusto natin ay dapat din nating pagpursigihan, at di lang asahang iabot sa ating parang limos lamang. Kaakibat nito ay ang pagkilala din, na kailangan ang aktibong pagtatanggol ng mamamayan sa ka-ayusan at kabutihang napasakanya na, upang di ito masilat at mawala.
Habang ako ay nakatunganga na rin at nagsasayang ng gasolina habang nagtitiyagang sumunod sa malauod na galaw ng trapik, napag-isip ko na malamang ay medyo may problema din ang trapik sa Inviernes kahit na walang konstraksiyon na isisnasagawa sa Buendia-Osmena flyover. Yun lang, malamang na grumabe ng husto ang trapik dito dahil sa nasabing pagkukumpuni. Sa aking pananaw dito nagkulang ang paghahanda at pagpaplano ng mga LGU, mga ahensiya ng gobyerno at mga kontraktor. Sa pananaw ko, ay di naman kaagad-agad na isinagawa ang pagpapatupad ng pagkukumpuning nasabi. Maraming pag-uusap marahil ang ginawa na kung saan ay natalakay sana ng mas-malalim ang tungkol sa kung paano maiwasang masyadong lumala ang perhuwisyong idudulot ng nasabing proyekto sa mga mamamayan. Diba puwedeng nag-formulate ng mga karagdagan at maliwanang na mga traffic guidelines upang matugunan ang kundisyon ng pagdami ng mga sasakyan na dadaan sa kalye? Di kaya dapat dinagdagan nang husto (at binigyan ng tamang training) ang mga nagpapatupad ng kaayusan ng trapiko sa mga alternatibong daanang kalye na kagaya ng Inviernes? Di kaya dapat  isinama (ng ahensiya ng gobyerno na nagpapatupad ng proyekto) sa presyo ng proyekto ang gastusin na kinakailangan upang mapaimpis ang perhuwisyo sa trapik at sa mamamayan? Di kaya dapat din na magkaroon din ng paglahok ang kontraktor sa pagpapagaan ng perhuwisyong idinudulot ng poyekto niya sa mga mamamayan? Nagtatanong lang!

Tuesday, July 12, 2011

Pansariling pagbabago, tagumpay ni P-Noy, tagumpay ng bayan

10 July 2011
Mekaniko (People's Journal, July 12 issue)

Ang kultura o kalinangan nating mga Pilipino, ayon sa mga nagsipag-aral ng tungkol dito, ay bunga ng pinaghalo-halong kultura ng mga katutubo (Malay, Indiyan, Arabo, Thai at Intsik) at saka ng mga Kastila at Amerikano; at ang ating sikolohiya (psychology) –na siyang naglalarawan ng ating kaisipan at pag-uugali bilang isang lahi- ay bunga ng nasabing kumbinasyon.
Bagama’t ang pinaka pundasyon ng kultura natin ay Malay, sinasabing ang kaisipan natin ay mas impluwensiyado ng Amerikano, at ang puso naman natin ay mas impluwensiyado ng Kastila. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang pagpapatindi ng ating pagiging praktikal (pragmatic) mula sa Kano, at mula naman sa Kastila ay nakuha o napatindi natin ang pagtanaw ng utang na loob, pagiging mapagtalima, katapatan, disiplina, kabutihang asal, pagpapahalaga sa hitsura at reputasyon, at saka pagiging bukas -palad.
Buhat naman sa kulturang Malay ay nakuha natin ang pagiging mapagbigay, pagiging kalugod-lugod at di malaswa, pagiging magalang o mapagpitagan, marunong makisama at makibagay, maka-pamilya, mapagpaumanhin, magiliw sa panauhin, matapang, matiyaga, malakas o matibay, matipid, marunong mahiya, at pag-iintindi sa hinaharap.
Ang isa pang bukod tanging katangian ng ating lahi, bago pa man dumating ang mga Kastila, ay ang ating pagiging likas na tapat ang loob, di-mandaraya, di-manloloko (honest). Ayon sa kuwento (Tomas Andres, Positive Filipino Values, 1989, New Day Publishers), noong mga panahon na iyon, ang mga estrangherong intsik na mangangalakal ay nag-iiwan lamang ng kanilang mga kalakal sa aplaya at saka aalis na. Babalik lang sila pagkaraan ng isang taon sa kung saan sila nag-iwan ng kalakal at doon ay matatagpuan nila ang nakahandang katumbas na kapalit-kalakal na gawa ng mga katutubo. Ang pamamaraan na ito ng pakkipagkalakalan, ang tuway’an (o bartering), ay nagpatuloy ng mahabang panahon at patunay ito ng pagiging likas na tapat ang loob ,o honest, ng lahi natin nuong unang panahon. Naglalarawan din ito ng lalim ng kanilang pagpapahalaga sa kaayusan, katuwiran, katumpakan at katarungan.
Napakayaman pala ng ating kultura sa magagandang katangian o asal. Nguni’t sa dinami-dami nito ay tila natabunan ang mga ito, at mas namayani ang korapsiyon,  kabulukan, kasamaan, kawalanghiyaan, katiwalian at kabuktutan. Ang sitwasyon na ito ay lalo pang pinasama ng tila walang pakialam at tila naging  tagapagmasid lang ng karamihan ng madla.
Gayun na lang ang epekto sa akin ng pagkasiphayo (o frustration) na ito, kaya’t nakakapag-paimpis dito kahit papano ang pagkatuwa kapagka nakakabalita ng tungkol sa, o nakakatagpo ng, mga simpleng mamamayan na nagpapakita ng magandang asal, na kagaya ng mga sumusunod:
Ang parking attendant na de-unipormadong dilaw sa tapat ng Club Filipino, mga 6:30 n.g. noong Biyernes, Hulyo 8. Tumungo kami roon ng aking maybahay na si Mel upang dumalo sa isang maliit na despedida-reunion para sa isang tiyahin na pabalik sa US. Umuulan nuon at dikit-dikit ang mga sasakyan ngunit nakasuwerte kaming may umalis na isang kotse sa parkingan sa harapan ng klub habang parating kami. Natuwa ako dahil sa kahit na umuulan ay nandoon ang parking attendant na kaagad na nagtrapik upang di magkasala-salabat ang mga sasakyan habang nagmamaniobra akong paatras papasok sa paradahan. Pagkaayos ko ng aking sasakyan ay magalang at nakangiting siyang nagbigay ng parking ticket (na agad kong binayaran), at pinayungan pa kami ni Mel hanggang sa makuha namin ang sarili naming payong sa likod ng sasakyan. Sa aking pagkakaintindi, ang attendant na ito ay konektado sa Barangay o di kaya ay sa pamahalaang lungsod. Nanghihinayang akong di ko nakuha ang kanyang pangalan ngunit kung sino man siya ay saludo ako sa kanya sa ipinamalas niyang kurtesya, pagpapahalaga sa trabaho, at kalidad ng serbisyo.
Gayun din ang aking pagkatuwa sa pagpunta ko, Sabado ng hapon, sa Mitsubishi Service Center sa North Fairview, Q.C. Ipina-checkup ko ang aking sasakyan dahil sa di ko maintindihang dahilan ay biglang tumitirik – nawawalan ng kuryente- at ayaw na ngang umandar muli nuong tine-testing. Napansin ko na pawang mga nakangiti, maaliwalas ang mga mukha at makurtesya ang mga tauhang nakausap namin duon, lalo na si Mr. Johnny Bravo, ang Service Adviser. Maski ang inasign niya na mekaniko (at mga kasamahan) na tumingin sa sasakyan, na kahit batang-bata, ay halatang bihasang-bihasa at mataas ang kaalaman tungkol sa kanyang trabaho. Walang pag-aalinlangan ang kanyang paggalaw, puno ng kumpiyansa, at di bara-bara. Sa tantiya ko ay natumbok niya ang diperensiya ng sasakyan, at napaandar, sa loob lamang ng 15 minuto – ang findings, sira ang alarm module (nakaka-bilib ito kung ihahambing sa halos isang oras na pangangalikot ng isang mekaniko ng tumirik ako kamakailan lang sa Ortigas Center, at kung saan ay napaandar ang sasakyan ngunit di maipaliwanag kung bakit; umulit tuloy). Dahil sa alanganin na din sa oras ay nadesisyunan kong ipagpaliban sa susunod na Sabado ang pagpapalit ng alarma. Binigyan ako ng advice ni Mr. Bravo kung ano ang aking dapat gawin at pag-ingatan habang ginagamit ko ang sasakyan na niremedyohan lang upang umandar. Hanga ako sa kanila, di lamang sa antas ng kaalaman ng mga teknisyan nila, kundi pati na rin sa klase ng serbisyong ibinibigay nila. Bukod dito ay wala silang siningil kahit na nag-ubos sila ng oras sa aking sasakyan. Ang mga negosyong may ganitong kalidad ng tauhan ang dapat na tinatangkilik at binabalik-balikan ng customer.
Pagbalik ko sa bahay, galing sa Mitsubishi, ay di ako kaagad makapasok sa bakuran namin dahil sa nakaharang sa gate ang isang magtataho, at binebentahan ang mga kasambahay namin. Umaambon din ng medyo malakas nuon at hinayaan ko namang matapos sila. Ang magtataho naman, bago umalis, ay humarap sa akin at tumungo, bilang pagpapakita ng paghingi ng dispensa sa pagkakaabala sa akin. Mahalagang bagay ang ipinakita niyang ito, na ikinatuwa ko, dahil sa aking pananaw ay kahit naghahanapbuhay siya bilang magtataho ay mayroong siyang kulturang marunong humingi ng pumanhin kung nakakaabala ng iba. Di malayong and ibang mga pamamaraan niya sa pagsasagawa ng kanyang hanapbuhay ay may kalidad na kung saan ay ang kapakanan din ng kanyang mga kustomer ay kanyang kinukonsidera at iniingatan.
Napansin ko din ang isang kabataan na aktibo sa Peoples’ Voice ng PJ na nangangalang Nikko ng Nueva Ecija. Sa edad niyang 18 taon ay tila napakatino ng kanyang pananaw. Ang mga sumusunod ay halimbawa ng kanyang mga pananaw na hango sa kanyang ipinadadalang opinion: “Wag nating iasa sa ating gobyerno kung anuman ang magiging takbo ng ating buhay. Matuto tayong magsikap, gumawa at tumayo sa sarili nating mga paa...wag nating sisihin ang gobyerno kung bakit tayo naghihirap dahil sa atin din nakabatay ang ating pagsisikap...gawin nating modelo ang mga working student at mga OFW na tinitiis ang anumang hirap mapagsikapan lang ang magkaroon ng maayos na kinabukasan...wag tayong tumanga na lamang at umasa. Likas tayong masikap at matalino. Sana magamit natin ito, wag tayong masyadong dumepende sa gobyerno” (PJ, June 30’11). “Maging bayani ng kalikasan sa ating simpleng gawa ay malaki ang hahantungan...pagpapanatili ng malinis na bakuran...one billion trees atin sanang pagtulung-tulungan. Kahit isa lang naman di ba? Tayo din ang makikinabang diyan...Maging tayong mga kabataan nawa’y maipakita natin sa kabila ng mura nating isipan ay maaari tayong maging bayani ng kalikasan...”(PJ, July 4’11, p.12).
Hanga ako sa batang ito. Sa ganang akin ay nagpapakita ng kahustuhan ng isip. Curious tuloy ako sa kung sino ang kanyang mga magulang at kung saan siya nagaral. Kung ganito ang kalidad ng karamihan ng kabataan sa kanyang bayan sa Nueva Ecija, ay mukhang magiging maliwanag ang hinaharap ng ng bayan niya. Nakakapagpasigla, nakakapagpataas ng morale. Sana ay marami siyang mahawahan.
Hindi ko maiwasang maihambing ang pagkasiphayo ko sa maaaring pagkasiphayo ni P-Noy nuong umupo siyang pangulo na kung saan ang mas namamayani ay korapsiyon, kabulukan, kasamaan, kawalanghiyaan, katiwalian, kabuktutan, at ang  tila walang pakialam at naging  tagapagmasid lang na madla. Itong namamayaning kalagayan ng bansa ang dahilan ng pagkakahalal niya bilang pangulo at siya ay inaasahang magtutuwid ng kung ano ang mga kamalian sa ating lipunan. Malaki ang tiwalang binigay at ang pag-asa ng mamamayan sa kanya – na may kakayanan siyang magtagumpay sa misyon niya - dahil sa siya ay isa sa mga bihirang taong may integridad at walang bahid ng korapsiyon. At sa kabilang dako, natural lang na may mga kokontra sa kanya, at ito ang mga may pinoprotektahan na interes, at ang mga mapeperhuwisiyo kung sakaling maitutuwid ang lipunan. Kasama na din dito ang mga dating sumuporta na naiinip sa pagdating ng pagbabago.
Sa ganang ito ay nais kong ulitin ang aking pananaw na kulang ang isang taon upang si P-Noy ay magkapagpaluwal ng mga pagbabago na makakapagpasaya sa marami. Mayroon na din naman siyang mga tagumpay at naituwid, bagama’t mayroon din namang masasabing kakulangan at kapalpakan. Sa aking pananaw, sa pangkalahatan, ang angking katangian ng pangulo – na may integridad at walang bahid ng korapsiyon - na dahilan ng kanyang pakahalal ay di nagmaliw. At dahil dito ay dapat mas bigyan ng diin ang ang kanyang mga tagumpay at dapat siyang tuloy-tuloy na alalalayan. Ang alalay na kailangang ibigay ay isang active o masiglang alalay, at hindi passive o yuong pumupuna lamang.
Nakakatiyak akong hindi makakayanan ni P-Noy na makamtan para sa atin ang hangad na malawakang tagumpay kung mag-isa lang siyang gagalaw at magpupursige. Magkakaroon lang ng malawakang tagumpay kung mayroon ding malawakang pag-aalalay sa kanya at pagbabago ng mga pansariling pananaw at pagpupursige ang mga naghahangad ng tagumpay. At ang tinutukoy ko ay ang mga halimbawang kagaya ng ipinakita nuong magalang na parking attendant sa Greenhills, ni Mr. Bravo at mga ka-empleyado niya sa Mitsubishi Service Center sa North Fairview, ng may kurtesyang magtataho, ng batang si Nikko ng Nueva Ecija na actibo sa People’s Voice ng PJ, at kasama na din ang mga nabanggit ko sa mga naunang lathain ko na sila Mr. Ricky Lamanilao (na nagsoli ng halagang P 200,000.00 na naiwan ng isang Briton na naging pasahero niya sa kanyang taxi), ang Makati street sweeper na si Mr. Alfred Lapidario, at ang mga tauhan ng Bagobo Restaurant sa Kalibo Airport.
Sa palagay ko ay ang may tunay na karapatang umasa ng tagumpay at kariwasaan ay yuong may nagawa at naipakitang pansariling pagbabago sa  bulok nilang pansariling pananaw, at pagtutuwid sa mga mali at baluktot nilang mga sariling gawain. Kapagka ang karamihan sa mamamayan ay maihahhambing na sa mga nabanggit na halimbawa, malamang na mapapadali ang pasanin ni P-Noy at may kalalagyan ang hangad nating tagumpay para sa bayan.