18 July 2011
Mekaniko
By Jaime T. Lopez, III
Marahil walang pinoy na nanirahan o naglakbay sa Kalakhang Maynila ang di nabuwisit o nainis man lang sa abala o perhuwisiyong idinidulot ng tapik sa kanila. Lumang tugtugin na ang nakababanas na isyong ito at marahil ay nagkikibit-balikat na lang ang karamihan. Nguni’t dapat nga kayang maging ganito na lang ang ating reaksiyon o pagtalakay sa isyung ito?
Natuon dito ang aking pansin dahil sa aking napagdaanan nuong nakaraang Huwebes, Hulyo 14. Umalis ako ng 4:00 nh buhat sa isang miting Sta Mesa Heights sa Maynila upang tumungo naman sa isang restauran sa Magallanes sa Makati upang dumalo naman sa isa pang miting na nakatakda ng 5:00 nh ng isang samahang pinamumunuan ko. Habang bumabaybay ako sa Espanya papuntang Forbes ay naalaala ko ang pagkukumpuning ginagawa sa flyover ng Buendia at Osmena Avenue. Dahil dito ay napagpasiyahan kong lumiko na lang na pakaliwa sa Inviernes pgkababa ko ng tulay ng Nagtahan upang umiwas sa trapik. Ang laking pagsisisi ko ng masagupa ko ang di-inaasahang di-hamak na mas matinding trapik. Ang resulta, passado 6:30 ng na ako nakarating sa aking pupuntahan, at isang kasamahan na lang ang nagtiyagang maghintay sa akin.
Habang binubuno ka ang trapik ay muli kong napagtanto ang tindi ng problema ng bayan tungkol sa di-natin paggalang sa karapatan ng, at pakikitungo sa, bawa’t isa – at pati na rin sa tila kakulangan sa pagiging pro-active at sa planning ng mga LGU, mga ahensiya ng gobyerno at mga nangongontrata. Kagaya ng aking naipahiwatig na pananaw sa aking mga nakaraang lathain, kailangang ang pagbabago ay di lang magmumula at iaasa sa pamunuan, kundi, higit sa lahat, dapat din na pasimulan at pagpursigihan ito ng pamayanan.
Ayon sa aking nasaksihan, bagama’t marami ang dahilan ng pagkakabuhol-buhol ng trapik ay, ang isang malaking pinanggalingan ay ang pagkawalang disiplina at kawalan ng paggalang sa karapatan ng bawa’t isa ang mga drayber ng mga sasakyan. Akalain mo, young Inviernes na dapat ay salubungan lang ng dalawang sasakyan ay pinipilit na nag-uunahan at sinisiksikan ng tatlo o apat na sasakyan. (Naku, at lalong matindi sa kanto na kung saan naroon ang baundery ng Maynila at Makati). Kaya’t natural na magkakabuhol-buhol ang trapik, at bukod dito, ay may nagkakasabitan pa.
Ang lahi natin ay hindi estupido, dahil subok na - at uulitin ko, subok na ang kakayahan (o deskarte) at kagalingan ng ating kaisipan na hinahangaan ng maraming banyagang bansa. Nguni’t bakit kaya hindi ito ang ipinapakita ng nasaksihan ko sa trapik. Hindi din ako naniniwalang mga latak na lang ang natitira dito sa bansa – na di kayang matanto kung ang galaw niya ay tama o mali; o, kung makakasama o makakabuti.
Lalong nadagdagan ang aking pagkasiphayo (frustration) ng mamasid ko ang mga pasahero ng mga saskyan, lalong lalo na ang mg pasahero ng mga diyip. Tila nakatanga na lang at nakatunganga – tila walang pakialam. Dito sa mga ganitong pagkakataon maaaring ipakita ng mga mamamayan ang kanilang kakayanang tumulong upang ipairal ang pagbabago. Pwede nilang hadlangan o pag- sabihan ang kanilang mga tsuper na huwag isagawa ang mga maniubrang makakapagpasahol ng trapik. Muli, naniniwala akong kung may mga maglalakas loob na mga pasaherong mamamayan na ipaalala sa mga tsuper na itama ang asal nila sa pagmamaneho, sila ay may kakayahang tatalima. Dapat sigurong kilalanin natin na ang kaayusang gusto natin ay dapat din nating pagpursigihan, at di lang asahang iabot sa ating parang limos lamang. Kaakibat nito ay ang pagkilala din, na kailangan ang aktibong pagtatanggol ng mamamayan sa ka-ayusan at kabutihang napasakanya na, upang di ito masilat at mawala.
Habang ako ay nakatunganga na rin at nagsasayang ng gasolina habang nagtitiyagang sumunod sa malauod na galaw ng trapik, napag-isip ko na malamang ay medyo may problema din ang trapik sa Inviernes kahit na walang konstraksiyon na isisnasagawa sa Buendia-Osmena flyover. Yun lang, malamang na grumabe ng husto ang trapik dito dahil sa nasabing pagkukumpuni. Sa aking pananaw dito nagkulang ang paghahanda at pagpaplano ng mga LGU, mga ahensiya ng gobyerno at mga kontraktor. Sa pananaw ko, ay di naman kaagad-agad na isinagawa ang pagpapatupad ng pagkukumpuning nasabi. Maraming pag-uusap marahil ang ginawa na kung saan ay natalakay sana ng mas-malalim ang tungkol sa kung paano maiwasang masyadong lumala ang perhuwisyong idudulot ng nasabing proyekto sa mga mamamayan. Diba puwedeng nag-formulate ng mga karagdagan at maliwanang na mga traffic guidelines upang matugunan ang kundisyon ng pagdami ng mga sasakyan na dadaan sa kalye? Di kaya dapat dinagdagan nang husto (at binigyan ng tamang training) ang mga nagpapatupad ng kaayusan ng trapiko sa mga alternatibong daanang kalye na kagaya ng Inviernes? Di kaya dapat isinama (ng ahensiya ng gobyerno na nagpapatupad ng proyekto) sa presyo ng proyekto ang gastusin na kinakailangan upang mapaimpis ang perhuwisyo sa trapik at sa mamamayan? Di kaya dapat din na magkaroon din ng paglahok ang kontraktor sa pagpapagaan ng perhuwisyong idinudulot ng poyekto niya sa mga mamamayan? Nagtatanong lang!
No comments:
Post a Comment