10 July 2011
Mekaniko (People's Journal, July 12 issue)
Ang kultura o kalinangan nating mga Pilipino, ayon sa mga nagsipag-aral ng tungkol dito, ay bunga ng pinaghalo-halong kultura ng mga katutubo (Malay, Indiyan, Arabo, Thai at Intsik) at saka ng mga Kastila at Amerikano; at ang ating sikolohiya (psychology) –na siyang naglalarawan ng ating kaisipan at pag-uugali bilang isang lahi- ay bunga ng nasabing kumbinasyon.
Bagama’t ang pinaka pundasyon ng kultura natin ay Malay, sinasabing ang kaisipan natin ay mas impluwensiyado ng Amerikano, at ang puso naman natin ay mas impluwensiyado ng Kastila. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang pagpapatindi ng ating pagiging praktikal (pragmatic) mula sa Kano, at mula naman sa Kastila ay nakuha o napatindi natin ang pagtanaw ng utang na loob, pagiging mapagtalima, katapatan, disiplina, kabutihang asal, pagpapahalaga sa hitsura at reputasyon, at saka pagiging bukas -palad.
Buhat naman sa kulturang Malay ay nakuha natin ang pagiging mapagbigay, pagiging kalugod-lugod at di malaswa, pagiging magalang o mapagpitagan, marunong makisama at makibagay, maka-pamilya, mapagpaumanhin, magiliw sa panauhin, matapang, matiyaga, malakas o matibay, matipid, marunong mahiya, at pag-iintindi sa hinaharap.
Ang isa pang bukod tanging katangian ng ating lahi, bago pa man dumating ang mga Kastila, ay ang ating pagiging likas na tapat ang loob, di-mandaraya, di-manloloko (honest). Ayon sa kuwento (Tomas Andres, Positive Filipino Values, 1989, New Day Publishers), noong mga panahon na iyon, ang mga estrangherong intsik na mangangalakal ay nag-iiwan lamang ng kanilang mga kalakal sa aplaya at saka aalis na. Babalik lang sila pagkaraan ng isang taon sa kung saan sila nag-iwan ng kalakal at doon ay matatagpuan nila ang nakahandang katumbas na kapalit-kalakal na gawa ng mga katutubo. Ang pamamaraan na ito ng pakkipagkalakalan, ang tuway’an (o bartering), ay nagpatuloy ng mahabang panahon at patunay ito ng pagiging likas na tapat ang loob ,o honest, ng lahi natin nuong unang panahon. Naglalarawan din ito ng lalim ng kanilang pagpapahalaga sa kaayusan, katuwiran, katumpakan at katarungan.
Napakayaman pala ng ating kultura sa magagandang katangian o asal. Nguni’t sa dinami-dami nito ay tila natabunan ang mga ito, at mas namayani ang korapsiyon, kabulukan, kasamaan, kawalanghiyaan, katiwalian at kabuktutan. Ang sitwasyon na ito ay lalo pang pinasama ng tila walang pakialam at tila naging tagapagmasid lang ng karamihan ng madla.
Gayun na lang ang epekto sa akin ng pagkasiphayo (o frustration) na ito, kaya’t nakakapag-paimpis dito kahit papano ang pagkatuwa kapagka nakakabalita ng tungkol sa, o nakakatagpo ng, mga simpleng mamamayan na nagpapakita ng magandang asal, na kagaya ng mga sumusunod:
Ang parking attendant na de-unipormadong dilaw sa tapat ng Club Filipino, mga 6:30 n.g. noong Biyernes, Hulyo 8. Tumungo kami roon ng aking maybahay na si Mel upang dumalo sa isang maliit na despedida-reunion para sa isang tiyahin na pabalik sa US. Umuulan nuon at dikit-dikit ang mga sasakyan ngunit nakasuwerte kaming may umalis na isang kotse sa parkingan sa harapan ng klub habang parating kami. Natuwa ako dahil sa kahit na umuulan ay nandoon ang parking attendant na kaagad na nagtrapik upang di magkasala-salabat ang mga sasakyan habang nagmamaniobra akong paatras papasok sa paradahan. Pagkaayos ko ng aking sasakyan ay magalang at nakangiting siyang nagbigay ng parking ticket (na agad kong binayaran), at pinayungan pa kami ni Mel hanggang sa makuha namin ang sarili naming payong sa likod ng sasakyan. Sa aking pagkakaintindi, ang attendant na ito ay konektado sa Barangay o di kaya ay sa pamahalaang lungsod. Nanghihinayang akong di ko nakuha ang kanyang pangalan ngunit kung sino man siya ay saludo ako sa kanya sa ipinamalas niyang kurtesya, pagpapahalaga sa trabaho, at kalidad ng serbisyo.
Gayun din ang aking pagkatuwa sa pagpunta ko, Sabado ng hapon, sa Mitsubishi Service Center sa North Fairview, Q.C. Ipina-checkup ko ang aking sasakyan dahil sa di ko maintindihang dahilan ay biglang tumitirik – nawawalan ng kuryente- at ayaw na ngang umandar muli nuong tine-testing. Napansin ko na pawang mga nakangiti, maaliwalas ang mga mukha at makurtesya ang mga tauhang nakausap namin duon, lalo na si Mr. Johnny Bravo, ang Service Adviser. Maski ang inasign niya na mekaniko (at mga kasamahan) na tumingin sa sasakyan, na kahit batang-bata, ay halatang bihasang-bihasa at mataas ang kaalaman tungkol sa kanyang trabaho. Walang pag-aalinlangan ang kanyang paggalaw, puno ng kumpiyansa, at di bara-bara. Sa tantiya ko ay natumbok niya ang diperensiya ng sasakyan, at napaandar, sa loob lamang ng 15 minuto – ang findings, sira ang alarm module (nakaka-bilib ito kung ihahambing sa halos isang oras na pangangalikot ng isang mekaniko ng tumirik ako kamakailan lang sa Ortigas Center, at kung saan ay napaandar ang sasakyan ngunit di maipaliwanag kung bakit; umulit tuloy). Dahil sa alanganin na din sa oras ay nadesisyunan kong ipagpaliban sa susunod na Sabado ang pagpapalit ng alarma. Binigyan ako ng advice ni Mr. Bravo kung ano ang aking dapat gawin at pag-ingatan habang ginagamit ko ang sasakyan na niremedyohan lang upang umandar. Hanga ako sa kanila, di lamang sa antas ng kaalaman ng mga teknisyan nila, kundi pati na rin sa klase ng serbisyong ibinibigay nila. Bukod dito ay wala silang siningil kahit na nag-ubos sila ng oras sa aking sasakyan. Ang mga negosyong may ganitong kalidad ng tauhan ang dapat na tinatangkilik at binabalik-balikan ng customer.
Pagbalik ko sa bahay, galing sa Mitsubishi, ay di ako kaagad makapasok sa bakuran namin dahil sa nakaharang sa gate ang isang magtataho, at binebentahan ang mga kasambahay namin. Umaambon din ng medyo malakas nuon at hinayaan ko namang matapos sila. Ang magtataho naman, bago umalis, ay humarap sa akin at tumungo, bilang pagpapakita ng paghingi ng dispensa sa pagkakaabala sa akin. Mahalagang bagay ang ipinakita niyang ito, na ikinatuwa ko, dahil sa aking pananaw ay kahit naghahanapbuhay siya bilang magtataho ay mayroong siyang kulturang marunong humingi ng pumanhin kung nakakaabala ng iba. Di malayong and ibang mga pamamaraan niya sa pagsasagawa ng kanyang hanapbuhay ay may kalidad na kung saan ay ang kapakanan din ng kanyang mga kustomer ay kanyang kinukonsidera at iniingatan.
Napansin ko din ang isang kabataan na aktibo sa Peoples’ Voice ng PJ na nangangalang Nikko ng Nueva Ecija. Sa edad niyang 18 taon ay tila napakatino ng kanyang pananaw. Ang mga sumusunod ay halimbawa ng kanyang mga pananaw na hango sa kanyang ipinadadalang opinion: “Wag nating iasa sa ating gobyerno kung anuman ang magiging takbo ng ating buhay. Matuto tayong magsikap, gumawa at tumayo sa sarili nating mga paa...wag nating sisihin ang gobyerno kung bakit tayo naghihirap dahil sa atin din nakabatay ang ating pagsisikap...gawin nating modelo ang mga working student at mga OFW na tinitiis ang anumang hirap mapagsikapan lang ang magkaroon ng maayos na kinabukasan...wag tayong tumanga na lamang at umasa. Likas tayong masikap at matalino. Sana magamit natin ito, wag tayong masyadong dumepende sa gobyerno” (PJ, June 30’11). “Maging bayani ng kalikasan sa ating simpleng gawa ay malaki ang hahantungan...pagpapanatili ng malinis na bakuran...one billion trees atin sanang pagtulung-tulungan. Kahit isa lang naman di ba? Tayo din ang makikinabang diyan...Maging tayong mga kabataan nawa’y maipakita natin sa kabila ng mura nating isipan ay maaari tayong maging bayani ng kalikasan...”(PJ, July 4’11, p.12).
Hanga ako sa batang ito. Sa ganang akin ay nagpapakita ng kahustuhan ng isip. Curious tuloy ako sa kung sino ang kanyang mga magulang at kung saan siya nagaral. Kung ganito ang kalidad ng karamihan ng kabataan sa kanyang bayan sa Nueva Ecija, ay mukhang magiging maliwanag ang hinaharap ng ng bayan niya. Nakakapagpasigla, nakakapagpataas ng morale. Sana ay marami siyang mahawahan.
Hindi ko maiwasang maihambing ang pagkasiphayo ko sa maaaring pagkasiphayo ni P-Noy nuong umupo siyang pangulo na kung saan ang mas namamayani ay korapsiyon, kabulukan, kasamaan, kawalanghiyaan, katiwalian, kabuktutan, at ang tila walang pakialam at naging tagapagmasid lang na madla. Itong namamayaning kalagayan ng bansa ang dahilan ng pagkakahalal niya bilang pangulo at siya ay inaasahang magtutuwid ng kung ano ang mga kamalian sa ating lipunan. Malaki ang tiwalang binigay at ang pag-asa ng mamamayan sa kanya – na may kakayanan siyang magtagumpay sa misyon niya - dahil sa siya ay isa sa mga bihirang taong may integridad at walang bahid ng korapsiyon. At sa kabilang dako, natural lang na may mga kokontra sa kanya, at ito ang mga may pinoprotektahan na interes, at ang mga mapeperhuwisiyo kung sakaling maitutuwid ang lipunan. Kasama na din dito ang mga dating sumuporta na naiinip sa pagdating ng pagbabago.
Sa ganang ito ay nais kong ulitin ang aking pananaw na kulang ang isang taon upang si P-Noy ay magkapagpaluwal ng mga pagbabago na makakapagpasaya sa marami. Mayroon na din naman siyang mga tagumpay at naituwid, bagama’t mayroon din namang masasabing kakulangan at kapalpakan. Sa aking pananaw, sa pangkalahatan, ang angking katangian ng pangulo – na may integridad at walang bahid ng korapsiyon - na dahilan ng kanyang pakahalal ay di nagmaliw. At dahil dito ay dapat mas bigyan ng diin ang ang kanyang mga tagumpay at dapat siyang tuloy-tuloy na alalalayan. Ang alalay na kailangang ibigay ay isang active o masiglang alalay, at hindi passive o yuong pumupuna lamang.
Nakakatiyak akong hindi makakayanan ni P-Noy na makamtan para sa atin ang hangad na malawakang tagumpay kung mag-isa lang siyang gagalaw at magpupursige. Magkakaroon lang ng malawakang tagumpay kung mayroon ding malawakang pag-aalalay sa kanya at pagbabago ng mga pansariling pananaw at pagpupursige ang mga naghahangad ng tagumpay. At ang tinutukoy ko ay ang mga halimbawang kagaya ng ipinakita nuong magalang na parking attendant sa Greenhills, ni Mr. Bravo at mga ka-empleyado niya sa Mitsubishi Service Center sa North Fairview, ng may kurtesyang magtataho, ng batang si Nikko ng Nueva Ecija na actibo sa People’s Voice ng PJ, at kasama na din ang mga nabanggit ko sa mga naunang lathain ko na sila Mr. Ricky Lamanilao (na nagsoli ng halagang P 200,000.00 na naiwan ng isang Briton na naging pasahero niya sa kanyang taxi), ang Makati street sweeper na si Mr. Alfred Lapidario, at ang mga tauhan ng Bagobo Restaurant sa Kalibo Airport.
Sa palagay ko ay ang may tunay na karapatang umasa ng tagumpay at kariwasaan ay yuong may nagawa at naipakitang pansariling pagbabago sa bulok nilang pansariling pananaw, at pagtutuwid sa mga mali at baluktot nilang mga sariling gawain. Kapagka ang karamihan sa mamamayan ay maihahhambing na sa mga nabanggit na halimbawa, malamang na mapapadali ang pasanin ni P-Noy at may kalalagyan ang hangad nating tagumpay para sa bayan.
No comments:
Post a Comment