Thursday, July 28, 2011

De kalidad na musikang Pinoy! (1)

25 July 2011
Mekaniko
By Jaime T. Lopez, III

 
Ika 5:18 ng hapon nuong nakaraang araw ng Linggo nang makatanggap ako ng isang text buhat sa kaibigan kong si Eng’r Raul L. Belonio na inaabisuhan akong makinig sa programa sa radio ng maybahay niyang si Didi sa DWIZ,  882 AM .Tutugtog raw kasi ang rondalla duon ng isang piyesa na galing sa Moncada, Tarlac – ang La Jota Moncadenya. (alam ni Raul na ito and aking hometown, isang bayan sa Tarlac na mas namayani ang mga Ilokano dahil dito napapunta ang mga nag migrate mula sa Ilokos noong panahon ng mg Kastila, kabilang na ang aking mga ninuno. Ito ang aking dahilan kung bakit, bagamat taga-Tarlac, ay ikinukonsidera kong ako ay isang FBI, o Full Blooded Ilocano - nguni’t tila di ko makumbinse si G. Willie Baun).
Mabuti na lang at nakasimba na kami kung kaya’t nagkaroon naman ako ng panahong makinig na kasama ng aking maybahay na si Mel. Ang programa pala ay ang Serenata Kumbidahan na ibino-brokast ika-7 hanggang ika-8 n.g., tuwing araw ng Linggo, at kung saan ang layunin ay palaganapin at paramihin ang kaalaman at pagpapahalaga ng ating mga kababayan sa ating katutubo o taal na musika – at ng sa gayon, ito naman ay muling kalugdan. Karamihan sa mga tinutugtog o kinakanta ay mga kundiman.
Kagaya ng aking nabanggit na, ang host ng programa ay si Gng. Didi Belonio, anak ng yumaong  batikan at walang katulad na  personalidad sa radio na si Tiya Dely Magpayo. Si Didi naman ay inaalalayan ng kanyang co-host na si G. Vic Fandino na siya namang nagbuo ng Rondalla 89 sa PLM, ang rondallang pirmihang tumutugtog sa programa, at binubuo nila Prppesor Rey Francisco (banduria), Maestro Eddie Suarez (lead guitar), Michael Garcia (octavina), at Dominic Cruz (Baho).
Nuoong nakaraang araw ng Linggo, kabilang sa mga tinugtog ng rondalla ay ang mga sumssunod: “Jota Moncadenya”, “Pandango sa ilaw”, at “Jovencita”. Kumanta din ng “Sa mata makikita” si G. Fandino, at “Minamahal kita mutya” naman si Maestro Suarez.
Bagamat mayroong permanenteng rondalla, ang mga kumakanta ay kalimitang mga imbitabong batikang mang-aawit na kagaya nila Ms. Aretha Angcao, na umawit ng “Gaano kita kamahal”, at “Waray-waray”, at saka si Ms. Marly Pabaran, na umawit naman ng “Rosas pandan”, Nahan”, at “Usahay”.  Ang isang sorpresa sa akin ay ng magpatugtug naman sila ng isag naisaplakang awitin ni Tiya Dely na may pamagat na “Underson”. Tila nuon ko lang narinig ang awitin, ngunit nakakatuwa dahil sa medyo nagpapatawa at ang tinatalakay ay ang pag-aander sa isang mister.
Malaki ang aking naging kaluguran sa pakikinig nuong nakaraang araw ng Linggo kung kaya’t, kahit medyo nahuli ako’y, nakining ulit ako kangina. Pawang mga pamilyar na tugtuging sariling atin pa ring ang mga tinugtug ng Rondalla 89, na kagaya ng mga sumusunod: “Leron-leron sinta”, “Sitsiritsit”, “Estetyantina”, Polka sa plasa”, at “Rocreo”. Ang mga kanta naman na inawit ni Ms. Miriam San Miguel ay ang “Bituing Marikit” at “Sa Kabukiran”. Tinugtog naman sa biyulin ni Ms. San Miguel ang “Lagi kitang naaalala” at “Pakiusap”.  At muli, nagpatugtug sila ng naisaplakang awiting ni Tiya Dely na “Chiribiribin” at “Manalig ka”.
Sa aking pananaw, litaw dito sa mga musikang ito ang kakayanan ng Pinoy, nuon pa mang unang panahon, na lumikha ng mga tugtuging de kalidad at nakakaaliw, at ang mga ito’y dapat lamang palaganapin.  Ang pagpapalaganap ng ating katutubong awitin ay isa ding mahalagang pamamaraan upang muling maidiin sa ating lahat, lalo na sa kabataan, na mayroon tayong likas na pinagmulan bilang isang lipi, at ang pagkilala nito at pagbibigay halaga dito ay isang mabisang paraan upang maibalik natin ng pangmalawakan ang pagiging makabayan.
Mabuhay ang DWIZ (882 AM), si Gng.  Didi Belonio at G. Vic Fandino, at ang Serenata Kumbidahan! Tayo nang makining sa kanila tuwing Linggo, at sa pamamagitan ng de kalidad at tunay na musikang Pilipino ay sariwain natin at paigtingin  ang ating pagpapahalaga sa ating lahi…at ang tunay na pagmamahal sa ating bayan.

Kunsumisyon sa trapik!


18 July 2011
Mekaniko
By Jaime T. Lopez, III

Marahil walang pinoy na nanirahan o naglakbay sa Kalakhang Maynila ang di nabuwisit o nainis man lang sa abala o perhuwisiyong idinidulot ng tapik sa kanila. Lumang tugtugin na ang nakababanas na isyong ito at marahil ay nagkikibit-balikat na lang ang karamihan. Nguni’t dapat nga kayang maging ganito na lang ang ating reaksiyon o pagtalakay sa isyung ito?
Natuon dito ang aking pansin dahil sa aking napagdaanan nuong nakaraang Huwebes, Hulyo 14. Umalis ako ng 4:00 nh buhat sa isang miting Sta Mesa Heights sa Maynila upang tumungo naman sa isang restauran sa Magallanes sa Makati upang dumalo naman sa isa pang miting na nakatakda ng 5:00 nh ng isang samahang pinamumunuan ko. Habang bumabaybay ako sa Espanya papuntang Forbes ay naalaala ko ang pagkukumpuning ginagawa sa flyover ng Buendia at Osmena Avenue. Dahil dito ay napagpasiyahan kong  lumiko na lang na pakaliwa sa Inviernes pgkababa ko ng tulay ng Nagtahan upang umiwas sa trapik. Ang laking pagsisisi ko ng masagupa ko ang di-inaasahang di-hamak na mas matinding trapik. Ang resulta, passado 6:30 ng na ako nakarating sa aking pupuntahan, at isang kasamahan na lang ang nagtiyagang maghintay sa akin.
Habang binubuno ka ang trapik ay muli kong napagtanto ang tindi ng problema ng bayan tungkol sa di-natin paggalang sa karapatan ng, at pakikitungo sa, bawa’t isa – at pati na rin sa tila kakulangan sa pagiging pro-active at sa planning ng mga LGU, mga ahensiya ng gobyerno at mga nangongontrata. Kagaya ng aking naipahiwatig na pananaw sa aking mga nakaraang lathain, kailangang ang pagbabago ay di lang magmumula at iaasa sa pamunuan, kundi, higit sa lahat, dapat din na pasimulan at pagpursigihan ito ng pamayanan.
Ayon sa aking nasaksihan, bagama’t marami ang dahilan ng pagkakabuhol-buhol ng trapik ay, ang isang malaking pinanggalingan ay ang pagkawalang disiplina at kawalan ng paggalang sa karapatan ng bawa’t isa ang mga drayber ng mga sasakyan. Akalain mo, young Inviernes na dapat ay salubungan lang ng dalawang sasakyan ay pinipilit na nag-uunahan at sinisiksikan ng tatlo o apat na sasakyan. (Naku, at lalong matindi sa kanto na kung saan naroon ang baundery ng Maynila at Makati). Kaya’t natural na magkakabuhol-buhol ang trapik, at bukod dito, ay may nagkakasabitan pa.
Ang lahi natin ay hindi estupido, dahil subok na - at uulitin ko, subok na ang kakayahan (o deskarte) at kagalingan ng ating kaisipan na hinahangaan ng maraming banyagang bansa. Nguni’t bakit kaya hindi ito ang ipinapakita ng nasaksihan ko sa trapik. Hindi din ako naniniwalang mga latak na lang ang natitira dito sa bansa – na di kayang matanto kung ang galaw niya ay tama o mali; o, kung makakasama o makakabuti.
Lalong nadagdagan ang aking pagkasiphayo (frustration) ng mamasid ko ang mga pasahero ng mga saskyan, lalong lalo na ang mg pasahero ng mga diyip. Tila nakatanga na lang at nakatunganga – tila walang pakialam. Dito sa mga ganitong pagkakataon maaaring ipakita ng mga mamamayan ang kanilang kakayanang tumulong upang ipairal ang pagbabago. Pwede nilang hadlangan o pag- sabihan ang kanilang mga tsuper na huwag isagawa ang mga maniubrang makakapagpasahol ng trapik. Muli, naniniwala akong kung may mga maglalakas loob na mga pasaherong mamamayan na ipaalala sa mga tsuper na itama ang asal nila sa pagmamaneho, sila ay may kakayahang tatalima. Dapat sigurong kilalanin natin na ang kaayusang gusto natin ay dapat din nating pagpursigihan, at di lang asahang iabot sa ating parang limos lamang. Kaakibat nito ay ang pagkilala din, na kailangan ang aktibong pagtatanggol ng mamamayan sa ka-ayusan at kabutihang napasakanya na, upang di ito masilat at mawala.
Habang ako ay nakatunganga na rin at nagsasayang ng gasolina habang nagtitiyagang sumunod sa malauod na galaw ng trapik, napag-isip ko na malamang ay medyo may problema din ang trapik sa Inviernes kahit na walang konstraksiyon na isisnasagawa sa Buendia-Osmena flyover. Yun lang, malamang na grumabe ng husto ang trapik dito dahil sa nasabing pagkukumpuni. Sa aking pananaw dito nagkulang ang paghahanda at pagpaplano ng mga LGU, mga ahensiya ng gobyerno at mga kontraktor. Sa pananaw ko, ay di naman kaagad-agad na isinagawa ang pagpapatupad ng pagkukumpuning nasabi. Maraming pag-uusap marahil ang ginawa na kung saan ay natalakay sana ng mas-malalim ang tungkol sa kung paano maiwasang masyadong lumala ang perhuwisyong idudulot ng nasabing proyekto sa mga mamamayan. Diba puwedeng nag-formulate ng mga karagdagan at maliwanang na mga traffic guidelines upang matugunan ang kundisyon ng pagdami ng mga sasakyan na dadaan sa kalye? Di kaya dapat dinagdagan nang husto (at binigyan ng tamang training) ang mga nagpapatupad ng kaayusan ng trapiko sa mga alternatibong daanang kalye na kagaya ng Inviernes? Di kaya dapat  isinama (ng ahensiya ng gobyerno na nagpapatupad ng proyekto) sa presyo ng proyekto ang gastusin na kinakailangan upang mapaimpis ang perhuwisyo sa trapik at sa mamamayan? Di kaya dapat din na magkaroon din ng paglahok ang kontraktor sa pagpapagaan ng perhuwisyong idinudulot ng poyekto niya sa mga mamamayan? Nagtatanong lang!

Tuesday, July 12, 2011

Pansariling pagbabago, tagumpay ni P-Noy, tagumpay ng bayan

10 July 2011
Mekaniko (People's Journal, July 12 issue)

Ang kultura o kalinangan nating mga Pilipino, ayon sa mga nagsipag-aral ng tungkol dito, ay bunga ng pinaghalo-halong kultura ng mga katutubo (Malay, Indiyan, Arabo, Thai at Intsik) at saka ng mga Kastila at Amerikano; at ang ating sikolohiya (psychology) –na siyang naglalarawan ng ating kaisipan at pag-uugali bilang isang lahi- ay bunga ng nasabing kumbinasyon.
Bagama’t ang pinaka pundasyon ng kultura natin ay Malay, sinasabing ang kaisipan natin ay mas impluwensiyado ng Amerikano, at ang puso naman natin ay mas impluwensiyado ng Kastila. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang pagpapatindi ng ating pagiging praktikal (pragmatic) mula sa Kano, at mula naman sa Kastila ay nakuha o napatindi natin ang pagtanaw ng utang na loob, pagiging mapagtalima, katapatan, disiplina, kabutihang asal, pagpapahalaga sa hitsura at reputasyon, at saka pagiging bukas -palad.
Buhat naman sa kulturang Malay ay nakuha natin ang pagiging mapagbigay, pagiging kalugod-lugod at di malaswa, pagiging magalang o mapagpitagan, marunong makisama at makibagay, maka-pamilya, mapagpaumanhin, magiliw sa panauhin, matapang, matiyaga, malakas o matibay, matipid, marunong mahiya, at pag-iintindi sa hinaharap.
Ang isa pang bukod tanging katangian ng ating lahi, bago pa man dumating ang mga Kastila, ay ang ating pagiging likas na tapat ang loob, di-mandaraya, di-manloloko (honest). Ayon sa kuwento (Tomas Andres, Positive Filipino Values, 1989, New Day Publishers), noong mga panahon na iyon, ang mga estrangherong intsik na mangangalakal ay nag-iiwan lamang ng kanilang mga kalakal sa aplaya at saka aalis na. Babalik lang sila pagkaraan ng isang taon sa kung saan sila nag-iwan ng kalakal at doon ay matatagpuan nila ang nakahandang katumbas na kapalit-kalakal na gawa ng mga katutubo. Ang pamamaraan na ito ng pakkipagkalakalan, ang tuway’an (o bartering), ay nagpatuloy ng mahabang panahon at patunay ito ng pagiging likas na tapat ang loob ,o honest, ng lahi natin nuong unang panahon. Naglalarawan din ito ng lalim ng kanilang pagpapahalaga sa kaayusan, katuwiran, katumpakan at katarungan.
Napakayaman pala ng ating kultura sa magagandang katangian o asal. Nguni’t sa dinami-dami nito ay tila natabunan ang mga ito, at mas namayani ang korapsiyon,  kabulukan, kasamaan, kawalanghiyaan, katiwalian at kabuktutan. Ang sitwasyon na ito ay lalo pang pinasama ng tila walang pakialam at tila naging  tagapagmasid lang ng karamihan ng madla.
Gayun na lang ang epekto sa akin ng pagkasiphayo (o frustration) na ito, kaya’t nakakapag-paimpis dito kahit papano ang pagkatuwa kapagka nakakabalita ng tungkol sa, o nakakatagpo ng, mga simpleng mamamayan na nagpapakita ng magandang asal, na kagaya ng mga sumusunod:
Ang parking attendant na de-unipormadong dilaw sa tapat ng Club Filipino, mga 6:30 n.g. noong Biyernes, Hulyo 8. Tumungo kami roon ng aking maybahay na si Mel upang dumalo sa isang maliit na despedida-reunion para sa isang tiyahin na pabalik sa US. Umuulan nuon at dikit-dikit ang mga sasakyan ngunit nakasuwerte kaming may umalis na isang kotse sa parkingan sa harapan ng klub habang parating kami. Natuwa ako dahil sa kahit na umuulan ay nandoon ang parking attendant na kaagad na nagtrapik upang di magkasala-salabat ang mga sasakyan habang nagmamaniobra akong paatras papasok sa paradahan. Pagkaayos ko ng aking sasakyan ay magalang at nakangiting siyang nagbigay ng parking ticket (na agad kong binayaran), at pinayungan pa kami ni Mel hanggang sa makuha namin ang sarili naming payong sa likod ng sasakyan. Sa aking pagkakaintindi, ang attendant na ito ay konektado sa Barangay o di kaya ay sa pamahalaang lungsod. Nanghihinayang akong di ko nakuha ang kanyang pangalan ngunit kung sino man siya ay saludo ako sa kanya sa ipinamalas niyang kurtesya, pagpapahalaga sa trabaho, at kalidad ng serbisyo.
Gayun din ang aking pagkatuwa sa pagpunta ko, Sabado ng hapon, sa Mitsubishi Service Center sa North Fairview, Q.C. Ipina-checkup ko ang aking sasakyan dahil sa di ko maintindihang dahilan ay biglang tumitirik – nawawalan ng kuryente- at ayaw na ngang umandar muli nuong tine-testing. Napansin ko na pawang mga nakangiti, maaliwalas ang mga mukha at makurtesya ang mga tauhang nakausap namin duon, lalo na si Mr. Johnny Bravo, ang Service Adviser. Maski ang inasign niya na mekaniko (at mga kasamahan) na tumingin sa sasakyan, na kahit batang-bata, ay halatang bihasang-bihasa at mataas ang kaalaman tungkol sa kanyang trabaho. Walang pag-aalinlangan ang kanyang paggalaw, puno ng kumpiyansa, at di bara-bara. Sa tantiya ko ay natumbok niya ang diperensiya ng sasakyan, at napaandar, sa loob lamang ng 15 minuto – ang findings, sira ang alarm module (nakaka-bilib ito kung ihahambing sa halos isang oras na pangangalikot ng isang mekaniko ng tumirik ako kamakailan lang sa Ortigas Center, at kung saan ay napaandar ang sasakyan ngunit di maipaliwanag kung bakit; umulit tuloy). Dahil sa alanganin na din sa oras ay nadesisyunan kong ipagpaliban sa susunod na Sabado ang pagpapalit ng alarma. Binigyan ako ng advice ni Mr. Bravo kung ano ang aking dapat gawin at pag-ingatan habang ginagamit ko ang sasakyan na niremedyohan lang upang umandar. Hanga ako sa kanila, di lamang sa antas ng kaalaman ng mga teknisyan nila, kundi pati na rin sa klase ng serbisyong ibinibigay nila. Bukod dito ay wala silang siningil kahit na nag-ubos sila ng oras sa aking sasakyan. Ang mga negosyong may ganitong kalidad ng tauhan ang dapat na tinatangkilik at binabalik-balikan ng customer.
Pagbalik ko sa bahay, galing sa Mitsubishi, ay di ako kaagad makapasok sa bakuran namin dahil sa nakaharang sa gate ang isang magtataho, at binebentahan ang mga kasambahay namin. Umaambon din ng medyo malakas nuon at hinayaan ko namang matapos sila. Ang magtataho naman, bago umalis, ay humarap sa akin at tumungo, bilang pagpapakita ng paghingi ng dispensa sa pagkakaabala sa akin. Mahalagang bagay ang ipinakita niyang ito, na ikinatuwa ko, dahil sa aking pananaw ay kahit naghahanapbuhay siya bilang magtataho ay mayroong siyang kulturang marunong humingi ng pumanhin kung nakakaabala ng iba. Di malayong and ibang mga pamamaraan niya sa pagsasagawa ng kanyang hanapbuhay ay may kalidad na kung saan ay ang kapakanan din ng kanyang mga kustomer ay kanyang kinukonsidera at iniingatan.
Napansin ko din ang isang kabataan na aktibo sa Peoples’ Voice ng PJ na nangangalang Nikko ng Nueva Ecija. Sa edad niyang 18 taon ay tila napakatino ng kanyang pananaw. Ang mga sumusunod ay halimbawa ng kanyang mga pananaw na hango sa kanyang ipinadadalang opinion: “Wag nating iasa sa ating gobyerno kung anuman ang magiging takbo ng ating buhay. Matuto tayong magsikap, gumawa at tumayo sa sarili nating mga paa...wag nating sisihin ang gobyerno kung bakit tayo naghihirap dahil sa atin din nakabatay ang ating pagsisikap...gawin nating modelo ang mga working student at mga OFW na tinitiis ang anumang hirap mapagsikapan lang ang magkaroon ng maayos na kinabukasan...wag tayong tumanga na lamang at umasa. Likas tayong masikap at matalino. Sana magamit natin ito, wag tayong masyadong dumepende sa gobyerno” (PJ, June 30’11). “Maging bayani ng kalikasan sa ating simpleng gawa ay malaki ang hahantungan...pagpapanatili ng malinis na bakuran...one billion trees atin sanang pagtulung-tulungan. Kahit isa lang naman di ba? Tayo din ang makikinabang diyan...Maging tayong mga kabataan nawa’y maipakita natin sa kabila ng mura nating isipan ay maaari tayong maging bayani ng kalikasan...”(PJ, July 4’11, p.12).
Hanga ako sa batang ito. Sa ganang akin ay nagpapakita ng kahustuhan ng isip. Curious tuloy ako sa kung sino ang kanyang mga magulang at kung saan siya nagaral. Kung ganito ang kalidad ng karamihan ng kabataan sa kanyang bayan sa Nueva Ecija, ay mukhang magiging maliwanag ang hinaharap ng ng bayan niya. Nakakapagpasigla, nakakapagpataas ng morale. Sana ay marami siyang mahawahan.
Hindi ko maiwasang maihambing ang pagkasiphayo ko sa maaaring pagkasiphayo ni P-Noy nuong umupo siyang pangulo na kung saan ang mas namamayani ay korapsiyon, kabulukan, kasamaan, kawalanghiyaan, katiwalian, kabuktutan, at ang  tila walang pakialam at naging  tagapagmasid lang na madla. Itong namamayaning kalagayan ng bansa ang dahilan ng pagkakahalal niya bilang pangulo at siya ay inaasahang magtutuwid ng kung ano ang mga kamalian sa ating lipunan. Malaki ang tiwalang binigay at ang pag-asa ng mamamayan sa kanya – na may kakayanan siyang magtagumpay sa misyon niya - dahil sa siya ay isa sa mga bihirang taong may integridad at walang bahid ng korapsiyon. At sa kabilang dako, natural lang na may mga kokontra sa kanya, at ito ang mga may pinoprotektahan na interes, at ang mga mapeperhuwisiyo kung sakaling maitutuwid ang lipunan. Kasama na din dito ang mga dating sumuporta na naiinip sa pagdating ng pagbabago.
Sa ganang ito ay nais kong ulitin ang aking pananaw na kulang ang isang taon upang si P-Noy ay magkapagpaluwal ng mga pagbabago na makakapagpasaya sa marami. Mayroon na din naman siyang mga tagumpay at naituwid, bagama’t mayroon din namang masasabing kakulangan at kapalpakan. Sa aking pananaw, sa pangkalahatan, ang angking katangian ng pangulo – na may integridad at walang bahid ng korapsiyon - na dahilan ng kanyang pakahalal ay di nagmaliw. At dahil dito ay dapat mas bigyan ng diin ang ang kanyang mga tagumpay at dapat siyang tuloy-tuloy na alalalayan. Ang alalay na kailangang ibigay ay isang active o masiglang alalay, at hindi passive o yuong pumupuna lamang.
Nakakatiyak akong hindi makakayanan ni P-Noy na makamtan para sa atin ang hangad na malawakang tagumpay kung mag-isa lang siyang gagalaw at magpupursige. Magkakaroon lang ng malawakang tagumpay kung mayroon ding malawakang pag-aalalay sa kanya at pagbabago ng mga pansariling pananaw at pagpupursige ang mga naghahangad ng tagumpay. At ang tinutukoy ko ay ang mga halimbawang kagaya ng ipinakita nuong magalang na parking attendant sa Greenhills, ni Mr. Bravo at mga ka-empleyado niya sa Mitsubishi Service Center sa North Fairview, ng may kurtesyang magtataho, ng batang si Nikko ng Nueva Ecija na actibo sa People’s Voice ng PJ, at kasama na din ang mga nabanggit ko sa mga naunang lathain ko na sila Mr. Ricky Lamanilao (na nagsoli ng halagang P 200,000.00 na naiwan ng isang Briton na naging pasahero niya sa kanyang taxi), ang Makati street sweeper na si Mr. Alfred Lapidario, at ang mga tauhan ng Bagobo Restaurant sa Kalibo Airport.
Sa palagay ko ay ang may tunay na karapatang umasa ng tagumpay at kariwasaan ay yuong may nagawa at naipakitang pansariling pagbabago sa  bulok nilang pansariling pananaw, at pagtutuwid sa mga mali at baluktot nilang mga sariling gawain. Kapagka ang karamihan sa mamamayan ay maihahhambing na sa mga nabanggit na halimbawa, malamang na mapapadali ang pasanin ni P-Noy at may kalalagyan ang hangad nating tagumpay para sa bayan.

Kumentario tungkol sa kalidad ng ilang organisasyon


July 2, 2011

Mekaniko (People's Journal )

Dapat sana ay nasa himpapawid na kami sa oras na ika 7:55 n.u. kung natuloy na lumipad ang ZestAir ayon sa iskedyul niya.

Isang grupo kaming magkakasabay na aalis upang umatend ng pang-pitong meeting ng national board ng Philippine Society of Mechanical Engineers sa Bacolod. Pasado ikawalo na ng umaga ng maabisuhan kami sa sa pamamagitan ng  ispiker na ang delay ay hanggang alas dose ng tanghali - at ito ay wala pang kasiguruhan. Ang balita ay mayroon daw dalawang eroplanong sira at inaayos kung kaya kulang ang mga sasakyang puwedeng paliparin.

Sa aking palagay ay dapat lamang na ayusin ang mga sasakyan na may diperensiya (lalo na kung eroplano), at madaling intindihin ito. Yun lang, tila walang maliwanag na paghahanda itong airline tungkol sa ganitong mga pagkakataon. Sana naman ay di tama ang aking kutob na masyado nilang sinasagad ang gamit ng mga eroplano nila at wala na silang reserba na magagamit kapag mayroong problemang ganito. Naisip ko tuloy ang pagmentina na ginagawa para sa eroplano; nasusunod pa kaya ang mga nararapat na pagmementina, at ang kinakailangang kalidad ng trabaho upang mapanatiling safe ang mga ito?

Mukhang kailangan ding pagbutihin pa ng kumpanya ang kanilang sistema ng pagaasikaso sa kanilang mga pasahero, lalong-lalo na sa ganitong mga pagkakataon. Mga ika-sampu na ng umaga ng mapansin ko na mga anim na flights na ang delayed. Halos puno na din ng mga naantalang pasahero ang departure area ng Domestic Terminal, at tila walang tauhan ang airline sa kanilang information counter na makapagbigay ng mga maayos na paliwanag sa mga katanungan ng mga naghihintay na pasahero. Mangyari naman sanang maglagay sila ng manedyer o supervisor man lang lang upang may puwedeng humarapna  makapagbigay ng masmaayos na papapaliwanag.

Di nagtagal ay naipaalam sa amin na nag-rerefund na lang daw sila sa mga di makapaghihintay. Dahil ditto ay napagkasunduan naming magkakasama na lumipat na lang sa ibang airline upang magkaroon ng kasiguruhan ang aming pagalis, at upang kahit papaano ay makaabot kami sa aming miting. Nakakuha naman kami ng upuan sa isang airline sa Terminal 3. Muli, tila kulang na naman sa karinyo ang mga tauhan ng ZestAir dahil sa ni hindi man lang sila nagbigay ng asiste sa kung paano kami makakalipat sa kabilang terminal. Mukhang di interesado ang mga tauhan na makawilihan ng mga pasahero ang kanilang kumpanya. Tila di sila aral sa de-kalidad na serbisyo at saka sa kahalagahan ng kalidad sa pagtatagumpay ng kumpanya.

Ibang-iba ang nakita naming pakikitungo ng mga tauhan ng nalipatan naming airline. Sa ticketing office pa lang ay pawang magagalang na, organisado, at halatang may sistemang sinusunod (pati na sekyurity). Pawang maaliwalas ang mga mukha at pawang nakangiti. Nakatutuwa at nakagagaan ng loob.

Dumating kami sa Terminal 3, mga  ika-sampu at kalahati na ng umaga, at bilang pagpaplipas ng oras, habang naghihintay ng flight na 2:25 n.h., ay minabuti naming mag-miting na lang. Pinagusapan naming anim na national director ang ibat-ibang concerns ng PSME. Dahi ldito ay nangailangan kami ng computer upang makakuha kami ng mga kailangang datos sa internet. Wala kaming dalang laptop kaya naghanap kami ng internet café o business center upang makakonekta sa internet. Ang laking gulat  namin na wala kaming makita at mapagalaman namin buhat sa mga tagaroon na walang ganuong mga facility duon.  Halos di ako makapaniwala. Di kaya kakulangan ito ng nasabing terminal dahil sa di malayong may mga pasaherong mangangailangan ng serbisyong ito – kagaya ng biglang pangangailangan namin?

*  *  *  *  *  *  *

Nuong isang lingo lamang ay nakilahok ako sa pagdiriwang ng ika-60 kaarawan ni Billy, isang kababata ng aking “girlfriend” na si Mel. Nadatnan namin duon ang iba pang mga kababata nilang nakipagdiwang din, at ang iba’y may kasama ding “boyfriend”. Sa aming kwetuhan ay naibulalas ng isa sa kanila ang kanyang kunsumisyon sa tagal ng pagkuha ng building permit na kailangan upang masimulan ang pagtatayo ng kanilang bagong bahay sa QC. Nag-aplay daw sila nuon pang Enero, halos anim na buwan na ang nakakaraan, pero tila di makumple-kumpleto ang mga kailangang mga dokumento dahil sa inot-inot na hinihingi (napakahirap ba ang gumawa ng checklist na kung saan ay nakasaad na kaagad ang lahat ng kinakailangan na isumite ng nag-aaplay ng building permit para hindi na maantala ang pagbibigay nito). Habang napaguusapan ito ay biglang napatawa si Onnie, na siya namang “boyfriend” ni Billy, dahil ayon sa kanya ay tumagal ng mahigit na isa at kalahating taon ang dumaan bago sila nakakuha ng kinailangan nilang “building permit”. Nasimulan lang ang pagpapatayo, dalawangput tatlong taon na ang nakakaraan, ng naglagay ng pampadulas ang kanilang kontraktor.

Mukhang napakatagal na at talamak ang ginagawang kalokohang ito – tila nakagawian na. Mukhang kinakailangang talasan ng mga nasa pamunuan ng lungsod ang pagmamasid upang matukoy nila ang mga pasimuno at magawaran ang mga ito ng karampatang parusa o disiplina. Alam kaya nilang kung sila ay napaguusapan ay parang nakakaamoy ng napakabahong basura ang itsura ng mga mukha ng mga nagkukuwentuhan?Isa lang ito sa maraming pwedeng pagtuunan ng pagbabago upang mapataas ang kalidad ng serbisyong ibinibigay ng mga namumuno sa pamayanan.

*  *  *  *  *  *  *
Siyanga pala, napagkasunduan namin sa national board na buhat ngayon ay sa ibang airlines na makapagbibigay ng de-kalidad na serbisyo ang pagkukuhanan  ng mga tiket namin. Mas malamang din na sa pangkalahatan ay mas may kasiguruhan ang matatamo namin buhat sa isang oraganisasyon na may malaking halagang binibigay sa kalidad.