23 June 2011
Mekaniko (People's Journal, June 27 & 28 issues)
Lilihis muli ako sa aking kalimitang paksang may kinalaman sa kalidad at productivity dahil ako ay nababagabag sa aking nagiging pananaw na tila may napagkasunduang sabay-sabay at malawakang kilusan na siraan (kung di man sirain) ang Pangulong Noy. Humahantong sa ganito ang aking pananaw dahil sa aking mga napuna sa radyo, telebisyon at ilang mga pahayagan na kung saan, sa akin, ay tila masyadong piing o slanted ang pagbabalita tungkol sa kanya. Tila ang diin ay mas personal, nasa negatibo at pinalalabas (o spin) na siya ay wala man lamang nakahandang mga plano o programa para sa bayan, walang nagagawang kongkreto na makakapagpabuti ng kalagayan ng mamamayan, walang pakialam at malasakit sa tao, tamad, walang kakayanang mamuno ng bansa, at sangkatutak pang mga ibat-ibang bintang.
Sa ganang ito, kinikilala ko naman ang karapatan ng bawat mamamayan na magkaroon, at magbulalas, ng sariling mga pananaw tungkol sa nakikita nila - lalo na kung ito ay may kinalaman sa pamamahala ng bansa. At dahil dito ay kinikilala ko ding karapatan ko ang paglalahad ng mga sariling pananaw ko tungkol sa Pangulong Noy at kanyang administrasyon, at idiin naman ang mga positibo o mabuting aspeto ng kanilang mga kilos. Kailangang gawin ito dahil sa kung pababayaan lang na ulit-ulit na naipapahayag ang mga bintang (na di napatunayan), at di man lang kinokontra o pinabubulaanan, ito sa bandang huli ay maaaring tanggaping totoo ng mga nakikinig.
Sa palagay ko ay mayroong namang mga nakahandang mga plano ang Pangulo, at ang ilan dito ay ang sumusunod:
Ang planong “K+12” na ipinapatupad na ng Kagawaran ng Pagtuturo (o DepEd), na kung saan (bagamat marami ang pumupuna) ay magkakaroon ng libreng “kinder” ang lahat ng mga mag-aaral. Ito ay isang malaking hakbang upang maiangat ang antas ng edukasyon ng mga kabataang mag-aaral sa buong kapuluan, dahil ang lahat (at di lang ang mga may kakayanan) ay magkakaroon ng pagkakataong maihanda ang murang isipan ng mga paslit para sa pagpasok ng grade one. Inaasahang sa pamamagitan nito ay mas titindi ang kakayahan ng mag-aaral na matuto, at mababawasan ang disbentaha ng mga mag-aaral sa probinsiya kung ihahambing sa mga mag-aaral na nasa lungsod o mga sentro ng pamahalaan. Ang karagdagang dalawang taon naman ng high school ay inaasahang magiging daan upang ang nakatapos nito ay magkakaroon na ng kaalamang makakapagbigay sa kanya ng matatag na empleyo, o di kaya’y ang kakayanang magsimula ng isang maliit na negosyo. Ang dagdag na dalawang taong ito ang siya ding magpapantay ng antas ng ating edukasyon sa antas ng edukasyon ng mga nangungunang mga bayan na kagaya ng Hapon, Singapor, Taiwan, sa Amerika at sa Europa, at magiging daan upang ang ating mga propesyonal ay mas madaling marekognisa o matanggap sa abroad.
Mayroon ding “Food Staples Security Roadmap” (FSSR) ang Kagawaran ng Pagsasaka (o DA) na kung saan ang layunin ay magkaroon ng kasiguruhan sa pagkain ang bansa sa pamamagitan ng pagtamo ng “rice sufficiency” pagdating ng 2013, at inaasahang makakapagpaani ng 21.12 MMT ng palay. Dahil sa sapat na ito para sa pangangailangan natin, di na rin mag-aangkat ng bigas buhat sa ibang bansa; simula sa 2014, tinatantiyang mag-e-export na tayo ng bigas. May mga roadmaps din ang DA na naihanda upang paigtingin ang kakayanang mag-produce ng ating pangangailangan (at mag-export din ng mga kasobrahan) na ibang mga kalakal na kagaya ng mais, isda, livestock, high value crops, niyog at saka asukal.
May plano naman ang DENR upang Protektahan ang Kalikasan, na kung saan, ang isa sa nakapaloob dito ay ang Integrated Coastline Resource Management Program (ICRMP). Naipamalas ng programang ito, lalong-lalo na sa mga coastal areas ng Zambales na pinapahalagahan ng mga mamamayan dito ang suportang ibinibigay ng pamahalaan sa mangrove planting project. Sa pamamagitan ng mga kooperatibang naitayo at katulong sa pagpapatubo ng mga punla ng bakawan, pagtatanim, pag-aalaga at pagpapalago ng mangrove, ay nabibigyan ang mga mamamayan ng kabuhayan. Inaasahan namang, in the long term, na kung ilang taon pa, paglaki ng mga bakawan at pagyabong ng mangrove na siyang magiging itlogan ng mga isda, ay dadami ang isdang mahuhuli ng mga manginngisda sa lugar nila.
Ang BIR din ay maroong Run After Tax Evaders (RATE), na kung saan ay marami-rami na ang napuntirya at nadimandang mga nandaya sa pagbabayad ng buwis. Kabilang na dito ang 8 malalaking gold traders. Inaasahang dahil sa RATE ay lalaki ang makukubrang buwis ng pamahalaan na magagamit sa pagpapagawa ng mga infrastructure projects at pagpapatupad ng social projects.
Samantala, sa Department of Labor and Employment (DOLE) mayroon ding plano at mga programa, at kabilang na dito ang nakakatuwang mga programa nila na nakatutok para sa mga OFW. Nariyan ang Reintegration Program Fund, na nagkakahalaga ng P2 bilyon, at kung saan ay pwedeng umutang buhat P 300,000.00 hanggang P2 milyon (ng walang collateral) ang mga OFW na gustong magnegosyo. Tinanggap ng unang grupong nabiyayaan ng programang ito ang kanilang loan ng itanghal ang “1st National Congress of OFW and Families” sa SMX nuong June 7, 2011. Mayroon ding proyekto na “Balik Pinay, Balik Trabaho”, na kung saan ay may nailagak na pondong P25 milyon na pwedeng ipautang sa mga bumabalik na Pinay OFW (nitong huling 6 na buwan ng kasalukuyang taon) upang makapagtayo sila ng kabuhayan. Mayroon pa ring tumatakbong programa na kung saan ang mga OFW ay binibigyan ng libreng training sa Information Technology (sa tulong ng Informatics).
Ilan lang ito sa mga halimbawa ng mga accomplishments na sa palagay ko ay hindi masyadong nailalantad sa pamayanan. Kung dito lamang ay masasabing mayroon namang nagagawang mga kongkretong bagay na makakapagpabuti ng kalagayan ng mamamayan ang Pangulong Noy, kung di man ngayon ay sa mga darating na taon. Maidadagdag pa rin sa mga nabanggit na, ang ilan pang mga nagawa o naipatupad na ng pangkasalukuyang pamahalaan, kagaya ng mga sumusunod: ang pag-rebidding ng overpriced projects ng DPWH na nakapagtamo ng 300 milyong pisong savings; ang $2.85B new investment at $2.5B new deals buhat sa Hapon; ang P2B suporta ng Australia para sa Basic Education Program; ang pagsuheto sa suweldo ng mga ehekutibo ng GOCC; ang $2.4B new US investments; ang tagumpay sa pagpapabawas ng air pollution sa bansa ayon sa pagaaral na ginawa ng Yale Unversity ng U.S. tungkol sa Environmental Performance Index (EPI); ang matagumpay na pagre-restructure ng foreign loans ng bansa upang mapababa ang interes na binabayaran natin at ang matitipid ay maidadagdag sa pangangailangan para sa pagpapapatupad ang mga social projects; ang pagpapataas ng “sovereign rating” ng bayan (buhat “Ba3 pataas sa Ba2 –stable outlook” ayon sa Moody’s, at one notch upgrade to “BB-stable” ayon sa Standard and Poor) na ang epekto ay ang pagkakaloob sa bansa ng mas mababang interes kung siya ay kukuha ng foreign loan; atbp.
Ngayon, sa aking palagay, ang isang sukat sa pagkamabisa ng isang punong tagapagpaganap (o chief executive) ay ang kakayanan niyang mapagalaw ng mga kagawarang nasa ilalim niya upang sila ay makapagbuo ng mga plano para sa mga hangarin niya, at maisagawa ang mga pamamaraang nabuo, upang ang mga hangaring kanyang inaasam ay maihatid ng maayos. At sa palagay ko pa rin, sa pamamagitan ng matagumpay na pagpapatupad niya ng mga halimbawang nailahad (sa kabila ng mga sagabal na kagaya ng “inertia” at “infrastructure” na aking nabanggit sa aking lathain ng June 19 at 20 dito sa PJ) ay nagpapakitang may pakialam at malasakit sa tao, hindi tamad, at may kakayahan mamuno sa bansa ang Pangulong Noy.
Si PNoy ay naluklok dahil sa mga katangian niyang angkin na siyang matagal-tagal ding hinanap-hanap ng bayan para sa isang pangulo – ang pagiging tapat, may integridad, at walang bahid ng korapsyon. Sa aking palagay ay di nabawasan ang personal na mga katangiang niyang ito sa kabila ng mga bintang at paninira na ibinabato sa kanya. Dahil dito ay naniniwala akong karapatdapat pa rin nating ipagpatuloy ang ating pananalig sa kanya, na sa dakong huli, sa kabila ng mga sagabal na ihahambalang ng iba, ay maipapatupad niya ang mga sagradong pangako niya sa sambayanan.
Kaya lang, maaari din siyang masiraan ng loob at manghina kung di niya mararamdaman ang suporta sa kanya ng bayan. Nasasaatin, ang mahigit na labing limang milyong bumoto sa kanya, ang may kakayanang magpalakas ng kanyang loob sa pamamagitan ng lantarang pagpapakita ng suporta sa kanya – kagaya ng ipinakita natin noong panahon ng kampanya niya para sa pagkapangulo. Kaya, tayo na, lantaran na ulit tayong sumuporta sa kanya!
Bukod sa pagpapakita ng suporta na kagaya ng malimit na pagsusuot ulit ng dilaw, pagdi-display ng mga slogan na maka PNoy, pagsusulat ng positibo tungkol sa kanya (sa diaryo o internet), atbp., ay may mas matinding suporta na maari nating ibigay, o gawin. Ito ay ang pagsunod natin mismo, bilang mga indibidual, sa matuwid na daan, kagaya ng mga halimbawang ipinakita ng Cruzette taxi driver na si Mr. Ricky Lamanilao (na nagsoli ng halagang P 200,000.00 na naiwan ng isang Briton na naging pasahero niya sa kanyang taxi) at ang Makati street sweeper na si Mr. Alfred Lapidario (isinoli niya ang napulot niyang personal communications device ni PED XING, isa sa mga kaibigan ko sa Thist.day “music bar”, ang “tambayan” naming mga miembro ng Thirst.day Club, sa Perea Street, corner Paseo de Roxas).
Naala-ala ko ang isang kwentong naibahagi sa akin ng isang matalik na kaibigan, a long time ago. Ito ay ang tungkol sa mga payaso noong panahong ang mga namumuno sa mga bansa ay mga hari o emperador. Nang mga panahon palang yoon, ang mga payaso lang ang may kakayahang magsabi ng mga kapintasan ng mga namumuno, sa pamamagitan ng katatawanan. Ang ibang nasasakupan ng puno na nakapaligid sa kanya ay pawang mga magaganda lang sa pandinig ang mga binibigkas dahil sa takot na sila’y makulong, o mapugutan ng ulo, pag di kanais-nais ang nabanggit nila. Ang resulta ay yoong mga hari o emperador na nakinig sa kapintasang sinasabi ng payaso ang nagtatagal, at nagiging matagumpay ang kaharian, dahil naaagapan nilang baguhin at iwasto ang anumang kamaliang namamayani at siyang ikinagagalit ng mga nasasakupan. Yoong mga hindi nakinig ay maagang naitumba ng mga galit na nasasakupan.
Nabanggit ko sa simula ng lathaing ito ang karapatan at kahalagahan ng lantarang pagpapakita ng suporta sa Pangulo ng mga nananalig sa kanya; kailangang gawin ito upang mabigyan siya ng dagdag na kumpiyansa! Nabanggit din naman ang tungkol sa pagkilala sa karapatan ng mga pumipintas o naninira, at nararapat din na sila’y hayaan lang. Nguni’t, sa aking palagay, ay mahalagang pakinggan at suriing mabuti ng pangulo ang mga sinasabi nila, at baka sa putik na ibinabato nila ay may nakasingit na maliit na tipak ng ginto na maaaring magamit at makatulong sa pagtatagumpay niya. Sa ganang ito, ang mga namimintas at naninira ay pwedeng magawang tila mga payaso ni PNoy!
No comments:
Post a Comment